Anti-subversion law: Ano ito?
MANILA, Philippines — Sa gitna ng reklamo ng ilang magulang na hindi na umuwi ng bahay ang kanilang mga anak matapos marekluta ng mga maka-Kaliwang grupo sa eskwelahan, inilulutang ngayon ni Interior Secretary Eduardo Año ang panunumbalik ng "anti-subversion" law.
Nagagamit daw kasi ang mga nasabing grupo upang makapaghikayat na mag-aklas laban sa gobyerno.
Na-repeal o ibinasura ang anti-subversion law noong ika-22 ng Setyembre, 1992 bilang bahagi ng peace talks sa Communist Party of the Philippines, New People's Army at National Democratic Front of the Philippines, dahilan para maging "ligal" ang CPP.
Pero ano ba ito sa aktwal noong batas pa ito?
Kasaysayan ng batas
Hunyo 1957 nang ipasa ni dating Pangulong Carlos Garcia ang anti-subversion law pamamagitan ng Republic Act 1700.
Ginamit ito ng administrasyong Garcia upang ideklarang iligal ang Communist Party of the Philippines, Hukbong Mapagpalaya ng Bayan at iba pang mga organisasyon, 'di lamang ng dahas, sa parehong layuning patalsikin ang gobyerno ng Republika ng Pilipinas at "magtatag ng rehimeng totalitarian."
Nagmula ang HMB sa Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon, na itinayo ng mga komunista bilang pangontra sa mananakop na Hapones.
Naamyendahan naman ang batas noong 1976, sa ilalim ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, nang ipatupad ang Presdidential Decree 885.
Nagbigay-diin ito sa lalong pagpapalawig ng ng mga grupo't asosasyong ipinagbabawal ng batas labas sa CPP at HMB.
Gayunpaman, 1972 pa lamang ay ipinaaresto na ni Marcos ang mga grupo gaya ng Kabataang Makabayan nang ideklara ang Martial Law o Proclamation 1081.
Muling in-amyendahan ang batas taong 1980, nang isabatas ang PD 1736.
Pagsapit ng 1981, lalo pang pinatalas ang pangil ng anti-subversion law at itinaas ang mga parusa nang ideklara ang PD 1835. Binanggit na rin nito sa kauna-unahang pagkakataon ang NPA.
Inamyendahan naman ang Section 4 nito noong 1985, nang ipatupad ang PD 1975.
'Ligal na Kaliwa ngayon magiging iligal'
Kung maibabalik ang anti-subversion law sa pinakahuling itsura nito, maaaring ipakulong ang sinumang makikipag-ugnayan, magiging miyembro o mananatiling miyembro ng anumang "subersibong asosasyon o organisasyon."
Ayon sa Section 2 ng PD 1835, bahagi sa mga subersibong organisasyon ang CPP.
Pero sa Section 3 nito, isinasama sa pakahulugan ng "CPP" ang anumang organisasyon na kaalyado o may kahalintulad na layunin nito.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, isang abogado, kahit ang pagiging miyembro ng mga organisasyong walang armas gaya ng Bagong Alyansang Makabayan ay maaaring ikakulong sa ilalim ng anti-subversion law kung bubuhayin muli ng gobyerno.
"Oo. Kahit na pagiging miyembro lang ay krimen na ng subersyon," ayon kay Zarate sa panayam ng Pilipino Star sa Inggles.
"Kapag may taking up of arms, mas mataas ang penalty sa mere membership lang."
Maaari rin maging prima facie evidence, o magmukhang panimulang ebidensya, sa pagiging subersibo ang:
- pagbibigay tulong pinansyal sa mga nasabing grupo
- pagiging messenger ng nasabing grupo
- paghahanda ng mga dokumento, polyeto o libro na nagpapakalat ng mga layuning "subersibo"
- pagpapakalat ng mga "propaganda" para sa nasabing organisasyon
- pagsalita sa mga aktibidad, pagplano ng pagkilos, atbp.
Ano ang mga parusa?
Para sa mga makikipag-ugnayan, magiging at mananatiling miyembro ng subersibong organisasyon, maaaring makulong ang nagkasal ng 12 taon at isang araw hanggang 20 taon (reclusion temporal).
Makalabas man ng kulungan, tatanggalan sila habambuhay ng karapatang maluklok sa pamahalaan at makaboto.
Para sa mga muling mako-convict, papatawan ang nagkasala ng 20 taon at isang araw na pagkakakulong hanggang 40 taong pagkakakulong (reclusión perpetua).
Para sa mga banyagang lalabag, pauuwiin sila ng kanilang bansa:
"[A]ny alien convicted under this Decree shall be deported immediately after he shall have served the sentence imposed upon him."
Mas mataas naman ang ipapataw na parusa sa mga opisyal ng mga grupo, kasamas ng mga nag-aarmas.
"[H]e shall be punished by reclusion perpetua to death with all the accessory penalties provided therefor in the Revised Penal Code."
Papatawan din ng reclusion temporal, kadikit ng iba pang accessory penalties sa Revised Penal Code ang mga magco-"conspire" upang patalsikin ang gobyerno at iba pang political subdivisions nito.
- Latest