PNP pwede bang tumanggap ng relo bilang regalo? 'Depende,' ani Albayalde
MANILA, Philippines — Sa gitna ng kontrobersyal na pag-amin ni Sen. Bato dela Rosa na tumanggap siya noon ng mga "mamahaling" regalo habang siya'y pulis pa, sinabi ni Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde Martes na nakadepende rin sa halaga at "brand" na tinatanggap bago masabi na ito'y bawal.
Hindi kasi pinahihintulutan ng Republic Act 3019 at RA 6713 ang mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng regalo na maaaring maging saklaw ng panunuhol at korapsyon.
Pagdating sa regalong relo, ito ang sabi ni Albayalde: "Well, depende rin 'yan sa relo. Muli, nagkakatalo sa brand kasi. Malaki ang diperensya sa tatak at presyo," sabi niya sa magkahalong Inggles at Tagalog.
Biyernes nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na okey lang tumanggap ang mga pulis ng regalo basta't ibinigay ito nang bukal sa kalooban.
"Kung binigyan kayo ng regalo, tanggapin niyo. Hindi 'yan suhol dahil pinapayagan 'yan ng batas. Ang ibig kong sabihin ay kung may mapagbigay sila, sabi ng anti-graft law bawal tumanggap. Kalokohan," wika ni Duterte.
Una nang sinabi ni Dela Rosa na dati na siyang tumanggap ng mga regalo sa mga taong nagpapasalamat sa kanya noong siya'y opisyal pa ng PNP.
Ilan na riyan ay ang damit na may tatak na Lacoste. Wala rin daw masama na tumanggap ng pagkain tulad ng lechon.
"Praktikal na tao ang presidente at praktikal din ako. Inaamin ko, tumanggap ako ng mga regalo dati," sabi ni Dela Rosa, dating hepe ng PNP, sa isang panayam sa dzBB.
Regalong pwede sa batas?
Paliwanag ni Albayalde, may mga klase naman daw ng regalo na pinahihintulutan ang batas pagdating sa mga public officials.
Tinutukoy niya ang Section 14 ng RA 3019, na nagsasabing hindi ipinagbabawal ang mga regalong maliliit lang ang halaga:
"Exception. Unsolicited gifts or presents of small or insignificant value offered or given as a mere ordinary token of gratitude or friendship according to local customs or usage, shall be excepted from the provisions of this Act."
May kapareho rin itong probisyon sa Section 3 ng RA 6713.
Isinama ni Albayalde ang mga pagkaing "consumable" sa mga regalong pwedeng tanggapin.
Gayunpaman, ang mahirap daw dito ay hindi klinaro ng batas kung anong presyo o halaga ang masasabing "insignificant" o maliit, bagay na sinasang-ayunan din ng Palasyo.
Pero kahit na maliit daw ang halaga ng regalo, bawal pa rin daw ito basta't may kapalit na pabor ang pagtanggap nito.
"Kung sa tingin mo kahit na pagkain 'yan, at ibinigay sa'yo tapos may hinihinging kapalit, then hindi po tama 'yon. Kahit na insignificant in amount, insignificant in value, porma pa rin 'yan ng katiwalian."
'Hindi ako ipokrito, lechon tinanggap ko'
Samantala, aminado rin si Albayalde na maging siya ay tumanggap din ng mga regalo habang siya'y nakaupo pa sa PNP.
"Pagkain? Oo naman... Hindi ako ipokritikong tao. Kumain din ako ng lechon," kanyang paliwanag.
Wika ng hepe ng PNP, hindi raw nila ito maiwasan tuwing may mga kaarawan, anibersaryo o kapag Pasko.
Sadya na lang daw itong ipinadadala ng mga "anonymous" na taong nagpapasalamat sa kanila.
"Hinahayaan kami ng katwiran na alamin ang pagkakaiba ng regalo at suhol. Discretion lang ang kailangan para mapaghiwalay ano ang mabuti at hindi gaano masama," dagdag niya.
- Latest