Bagong nurse, teacher nag-aaplay sa PNP

Ito ang isiniwalat ni Quezon Rep. Angelina Tan na nagsabing meron siyang mga constituent na nursing at education board passer na nag-aplay ng trabaho sa PNP sa halip na ipraktis ang sarili nilang propesyon.

Dahil sa mas mataas na sahod

MANILA, Philippines — Maraming bagong nurse at teacher ang mas pinipili nang pumasok sa Philippine National Police (PNP) dahil sa mas mataas na suweldo rito.

Ito ang isiniwalat ni Quezon Rep. Angelina Tan na nagsabing meron siyang mga constituent na nursing at education board passer na nag-aplay ng trabaho sa PNP sa halip na ipraktis ang sarili nilang propesyon.

“Ang dahilan ay ang mas mataas na sahod ng pulis,” ayon kay Tan.

Sa pagdoble ni Pa­ngulong Duterte sa kompensasyon ng mga sundalo at pulis, ang isang tauhan ng PNP at Armed Forces of the Philippines na may pinakamababang sahod ay tumatanggap ngayon ng P30,000 kada buwan.

Kabaligtaran ito sa entry-level sa public health facilities at school na P21,000.

Iniskedyul ni Tan ang isang pagrepaso sa mga batas sa  kompensasyon sa mga nurse at ibang public health care personnel kabilang ang Philippine Nursing Act of 2002 at Magna Carta for Public Health Workers.

Sa ilalim ng mga batas na ito, sinabi niya na ang mga government nurses ay dapat tumatanggap ng Salary Grade 15 pay sa halip na Salary Grade 11.

Sinabi niya na hindi niya maintindihan kung bakit ang mga nurse ay tumatanggap lang ng P21,000 o Salary grade 11 compensation ga­yong dapat na silang saklawin ng Salary Grade 15 na binabayaran ng P31,000.

Pinuna pa ng kongresista na ang mga nurse na kinukuha ng Department of Health para ipadala sa mga lalawigan ay binabayaran ng P30,000-P31,000 habang ang mga nagtatrabaho sa mga provincial hospital ay tumatanggap lang ng P20,000-P21,000.

“Ang mga nurse sa mga ospital ng pamahalaang lokal ay talagang lilipat sa DOH. Kaya marami tayo ngayong mga LGU health facilities na kulang sa nurse,” sabi ni Tan.

Show comments