1K kabataan dinodoktrinahan ng CPP-NPA kada taon
MANILA, Philippines — Kada taon ay 500 hanggang 1,000 kabataang estudyante ang dinodoktrinahan ng CPP-NPA upang maging miyembro ng komunistang kilusan.
Sa nakalap na intelligence report, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na matapos madoktrinahan at ma-recruit sa CPP-NPA ay bumabalik ang mga kabataan sa kanilang mga eskuwelahan kung saan nagiging militanteng lider.
“They are using their alleged nationalism to teach children to kill and take up arms against the government,” pahayag ni Año.
“Ang nangyayari kasi ngayon, so many schools are deeply infiltrated by the CPP-NPA through their front organizations. Ngayon itong mga rebeldeng ito ay may mga corresponding member organizations sa mga eskwelahan kaya ito yun dapat nating bantayan,” punto pa ng Kalihim.
Aminado ang opisyal na lubhang nakakalungkot at na-repeal ang Republic Act 1700 o ang Anti-Subversion Act kung saan dapat ay ban o bawal pumasok sa mga unibersidad at kolehiyo ang mga makakaliwang grupo dahil ginagamit lamang nila itong paraan sa pagre-recruit ng mga kabataang estudyante.
Sinabi ni Año, isang retiradong dating chief of staff ng AFP na ang nirecruit ng CPP-NPA ay dinadala ng mga ito sa kanilang kuta sa kagubatan at kung mamalasin pa ay mapapatay sa engkuwentro sa tropang gobyerno.
Sa pagdinig ng Senado, isang grupo ng mga magulang ang isinalaysay ang panlilinlang sa kanilang mga anak na inabandona ang kanilang mga pamilya matapos ma-brainwash umano ng makakaliwang grupo.
Sa limang nawawalang estudyante, tatlo rito ay senior high school sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), isa mula sa Far Eastern University at isa ay estudyante ng University of the East Manila.
Nangako naman si Año na tutulungan ang mga magulang na maibalik ang mga nawawalang anak na na-recruit ng CPP-NPA.
- Latest