MANILA, Philippines — Umaabot sa 400 lugar ang binaha dahil sa malalakas na mga pag-ulan dulot ng bagyong Hanna at habagat.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, kabilang sa mga pinaka-apektadong mga lugar ay ang Region 1, 3, MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) kung saan aabot sa 17,000 pamilya o katumbas na mahigit 69,000 mga indibidwal ang naapektuhan.
Sinabi ni Jalad na karamihan sa mga naapektuhang pamilya ay nagsilikas na sa mga matataas na lugar.
Mahigit 100 pamilya o kabuuang 400 indibidwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers.
Bukod sa mga pagbaha ay nakapagtala rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng 20 insidente ng landslide.
Patuloy naman silang nakaalerto dahil nagdudulot pa rin ng mga pag-ulan ang habagat bagaman umalis na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Hanna.