MANILA, Philippines — Inaasahang magpapalabas na ng hatol ang korte sa Maguindanao massacre case ngayong Nobyembre.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra, natapos na noon pang Hulyo 17, 2019 ang huling hearing sa sala ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Jocelyn Solis Reyes.
Binigyan lamang nito ng hanggang Agosto 15, 2019 para isumite ang kani-kanilang memorandum o written summation.
Sa oras na makapagsumite na sila ay saka pa lamang maikukunsiderang submitted for decision ang kaso, kahit magsumite o hindi ng memoranda ang bawat partido.
Ani Guevarra, inaasahan na niya na makapaglalabas na rin ng desisyon bago pa ang ika-10 anibersaryo sa insidente sa Nobyembre 23, 2019.
Magugunita na Nobyembre 23, 2009 ng paslangin ang 58 katao kasama ang 32 mamamahayag sa Barangay Salman sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao habang patungo sa kapitolyo para sa paghahain ng Certificate of Candidacy ni dating Buluan Vice Mayor Esmael Mangudadatu.
Ang COC ay para sa pagtakbo ni Mangudadatu sa pagka-gobernador ng Maguindanao kung saan nakalaban niya si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na pangunahing akusado sa kaso.
Magugunitang ang mahigit 100 akusado ay nabasahan ng sakdal at nalitis, isa ang naibasura ang kaso, isa ang tinanggal sa amended information at dalawa ang idineklarang state witness habang apat ang namatay kabilang na si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr.