MANILA, Philippines — Sinibak sa pwesto ang ilang opisyal ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) na nakatalaga sa Western Visayas upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa naganap na paglubog ng 3 bangka sa Iloilo-Guimaras Strait na ikinasawi ng 32 katao at 3 nawawala noong Hulyo 3.
Sa direktiba ni Transportation Secretary Art Tugade, sinibak nito sina Marina Iloilo Regional Director Rizal Victoria; Franchising Section Jose Venancio Vera Jr.; Bernardo Poll, Division Chief ng Marina-Maritime Safety Service at isang Juliet Nacion.
Habang sa PCG ay nasibak sina Western Visayas Chief, Commodore Allan Victor dela Vega; sub-station Commander Perlita Cinco at Commander Jolouvis Mercurio.
Inaasahang masasampahan ng kaukulang kaso ang mga opisyal kung mapapatunayan na may naging kapabayaan sa kanilang panig.
Inatasan na rin ni Tugade si PCG Commandant Admiral Elson Hermogino at Marina officer-in-charge Administrator Narciso Vingson Jr., na magsagawa ng inspeksiyon sa mga daungan at makipag-ugnayan sa pamilya ng mga namayapa upang matulungan ang ilang kwalipikadong kapamilya ng mga biktima na makapagtrabaho sa Marina, PCG at Philippine Ports Authority (PPA).
Pinabibilisan na rin ang pag-iisyu ng mga permit para sa mga Ro-Ro fastcraft na panghalili para sa pangangailangan ng mga pasahero matapos suspendihin ang paglalayag ng mga bangkang yari sa kahoy.