MANILA, Philippines — Libre na ang lahat ng tawag sa emergency 911 Hotline ng pamahalaan para sa mga subscriber ng PLDT, Smart, Talk ‘N Text at Sun.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año, layunin ng gobyerno na mapalawak ang pagbibigay ng serbisyo publiko na nagnanais humingi ng tulong sa mga awtoridad sa oras ng pangangailangan o emergency.
Umapila si Sec. Año, na huwag namang tumawag sa 911 hotline kung ang layunin lamang ay manloko dahil may kaakibat na parusa sa ilalim ng batas.
Sa datos ng DILG Emergency 911 National Office, pangkaraniwan nang nakatatanggap ng halos 3,500 emergency calls ang hotline sa loob ng isang buwan at humigit-kumulang sa 100 legitimate na tawag sa loob ng isang araw.
Natutuwa sila sa pagtupad ng isang malaking telecommunication company tulad ng PLDT, kasama ang iba nitong mobile network companies na Smart, Talk ‘N Text and Sun Mobile Network, sa isinasaad ng Executive Order (EO) 56 na siyang nagtatakda sa Emergency Hotline 911 bilang emergency answering point sa buong bansa.
Base sa section 3 ng EO 56, ang Emergency 911 Commission ang titiyak na lahat ng tawag sa Emergency 911 Hotline ay libre at walang kaukulang bayad o iba pang singilin.