MANILA, Philippines — Sinabi ni Polytechnic University of the Philippines president Emmanuel de Guzman na bukas siya sa mga mungkahi na payagang pumasok sa kanilang eskwelahan ang mga pulis matapos ireklamo ng ilang magulang ang pagkawala ng kanilang mga anak matapos sumapi ng militanteng grupo.
"Within the bounds of the law po, opo. Siyempre po. Pero kailangan pong ipaalam sa amin kapag sila ay pupunta," sabi ni De Guzman sa pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs kanina sa Senado.
Sa nasabing hearing, humarap din ang limang nanay, ang ilan umiiyak, dahil sa hindi na pag-uwi at pagtigil sa pag-aral ng kanilang mga menor de edad na anak para piliin ang pakikibaka para sa masa.
Tatlo sa mga diumano'y nawawalang estudyante ay senior high school students ng PUP, isa ay mula sa Far Eastern University habang taga University of the East—Manila naman ang isa.
Pare-parehong miyembro ng grupong Anakbayan ang mga estudyante.
Pero paliwanag ni De Guzman, karaniwan daw na tinututulan ng mga estudyante't guro ang mga planong panghihimasok ng Philippine National Police at militar sa pamantasan sa ngalan ng academic freedom.
"Papadaanin ko po sa board of regents. Kailangang pong sa kanila manggaling ang mandato."
Daing ng mga nanay
Ayon kay Jovita Antoniano, ina ng isang grade 11 na babae, isang taon na raw nang huli siyang magkaroon ng komunikasyon sa kanyang anak na sumali sa grupo.
Ikalawang semestre naman daw taong 2017 nang nagsimulang hindi umuwi ng bahay ang anak ni Luisa Espina.
"Nitong mga March nawala na siya nang matagal, two weeks, may nakapagsabi sa akin na nasa Pandi, Bulacan. Hinanap ko siya sa lahat ng subdivision ng Kadamay," ani Espina.
Sabi naman ni Relissa Lucena, na may anak na aktibista mula sa FEU, lumahok daw ang estudyante ng protesta sa State of the Nation Address kasama ang grupo.
Minabuti ni Lucena na dumulog sa eskwelahan at pulis nang ginagabi na lagi o hindi nakakauwi ang anak, na buong-panahong aktibista na raw.
"Sinasabihan ko siya na huwag ka diyan. Against ako sa ginagawa nila pero hindi naman sa pinaglalaban nila," dagdag ni Lucena.
Umalis na ng bahay ang kanyang anak at hindi pa raw nakababalik.
"Nakita ko siya may hawak na placard, ang dugyot niyang tignan, naka-tsinelas lang. Yung anak ko halos ayaw kong padapuan ng langaw tapos ganun ang gagawin nila," sabi ng ina.
Sa nasabing hearing, iniugnay ang mga progresibong grupo sa New People's Army.
Naghain na rin daw sina Maj. Gen. Amador Corpus, director ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group, ng kaso laban sa limang indbidwal kaugnay ng diumano'y paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking Law, Article 270 of Revised Penal Code o kidnapping, RA 7610 o Anti-Child Abuse Law at RA 9851 na tumatalakay sa mga parusa sa mga krimen na labag sa international humanitarian law at iba pang crimes against humanity.
Tugon ng isa sa estudyante
Pero sa Facebook post ng anak ni Lucena nitong ika-31 ng Hulyo, ipinaliwanag niya na hindi siya nawawala, nakidnap o pinilit lumayas matapos maging "full-time" na aktibista.
"Hindi ako na-brainwash," ang sabi niya.
"Nakita ko ang sarili ko sa bawat masa na hindi pinakinggan ang kanilang mga kahilingan. At hindi ko talaga kayang manahimik sa panahon ng kanilang ligalig, knowing the feeling of being oppressed," sabi niya.
Paliwanag niya, minsan na siyang ikinulong sa bahay nang siya'y umuwi at dinala ng ina sa Camp Aguinaldo para ipakausap sa mga militar.
"Kung meron man ditong nang-abuso at nangloko, ito ay iyong mga militar na pinagpiyestahan ang isang personal at pampamilyang isyu na ito upang magkalat ng kasinungalingan at mag-forward ng makasarili nilang agenda."
Kabataan party-list nagsalita
Nitong ika-5 ng Agosto, inimbitahan ni Sen. Ronald Bato dela Rosa, chair ng komiteng nabanggit, ang Kabataan party-list na dumalo sa pagdinig kanina kaugnay ng Senate Resolution 38 ngunit hindi nakarating dahil sa mga naunang schedule.
Tinatalakay sa nasabing Senate resolution ang isyu ng mga menor de edad na nawawala matapos daw reklutahin sa mga maka-Kaliwang grupo.
Sinisilip na raw nila ang mga problemang iprinepresenta ng resolusyon, ngunit ikinatatakot na magagamit ito sa red-tagging ng ligal sa Kaliwa.
"[T]his affront is not new, and has been used as pretext to legitimize state-led silencing, and even worse, criminalizing dissent and opposition," sabi ni Sarah Elago, kinatawan ng Kabataan party-list sa isang pahayag.
Hinimok niya si Dela Rosa, na nandoon din sa pagdinig kanina, na panatilihing "safe space" ang mga eskwelahan kung saan malayang makapag-organisa, protesta at pahayag ang mga kabataan.
"It is our duty to be fair and never allow educational institutions, being highly regarded as children’s second homes, to become a space for bigotry, prejudice, discrimination, and attacks on human rights."
Sana rin daw ay maimbitahan ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa deliberasyon ng Senate Resolution 38 habang nag-uulat ito tungkol sa mga "missing minors."