National Dengue Epidemic idineklara
MANILA, Philippines — Nagdeklara na ang Department of Health (DOH) ng National Dengue Epidemic sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng sakit sa buong bansa.
“In response to the DOH, we are declaring a national dengue epidemic,” pahayag ni National Disaster Rick Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairman at Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ito’y matapos lumobo sa 146,062 ang kaso ng dengue mula Enero hanggang nitong Hulyo. Nasa 622 naman ang nasawi.
Katumbas ito ng 98% increase mula sa bilang ng parehong mga buwan noong nakaraang taon.
Lumabas sa Dengue Surveillance Report ng DOH na Western Visayas ang may pinaka-mataas na dengue case sa 23,330.
Sinundan ito ng Calabarzon sa 16,515 cases at Zamboanga Peninsula na may 12,317 kaso.
Mataas din ang dengue case sa Northern Mindanao na may 11,455 at Soccsksargen na may 11,083 cases.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque, mahalaga ang deklarasyon para mapabilis ang pagtugon sa epidemya.
“It is important that a national epidemic be declared in these area to identify where a localized response is needed, and to enable the local government units to use their Quick Response Fund to address the epidemic situation,” ani Duque.
Nabatid din ng DOH na lumampas na sa epidemic threshold ang kaso ng dengue sa nabanggit na mga rehiyon kasama ang Mimaropa at Bicol.
Habang lagpas na sa alert threshold ang mga kaso ng naturang sakit sa Ilocos region, Central Visayas at Bangsamoro region.
Paalala pa ni Duque, wala pang gamot at bakuna laban sa dengue kaya’t ang pag-iingat lamang ang tanging pamamaraan na maaari nating gawin upang maiwasan ang pagkalat ng dengue.
Ipinaliwanag naman ni Lorenzana na hindi pa nagdedeklara ng “national emergency” o “state of calamity” dahil mga piling lugar pa lang ang apektado ng sakit.
- Latest