MANILA, Philippines — Hindi na uubra ang “visa upon arrival” sa mga Chinese tourists sa bansa.
Ito’y matapos aprubahan ni Pangulong Duterte ang panukala ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na dapat kumuha muna ng Philippine visa ang mga Chinese national bago makapasok sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi na papayagan ang nakasanayang visa upon arrival sa gitna na rin ng mga agam-agam sa pagdami ng mga Chinese tourists at workers na nakakapasok ng bansa.
Magugunita na naalarma si National Security Adviser Hermogenes Esperon sa pagdagsa ng mga Chinese tourists sa bansa na ipinapalagay niyang security risk.
Kasabay nito, inaprubahan din ni Pangulong Duterte ang panukala na itatak sa passport ng mga Chinese ang Philippine visa na may mapa ng Pilipinas kasama ng mga isla sa South China Sea na inaangkin ng China.
Sa kasalukuyan, ang Philippine visa ay itinatatak sa isang hiwalay na application form ng mga Chinese national na pumapasok sa bansa bilang anyo ng protesta sa 9-dash claim ng China. Isa itong mapa na inililimbag sa kanilang mga passport.