DOH nagdeklara ng 'national dengue epidemic'

Umabot na kasi sa 146,062 ang kaso ng dengue na naitala mula Enero hanggang ika-20 ng Hulyo, 2019.
News5/Marianne Enriquez

MANILA, Philippines —  Inanunsyo na ng Department of Health ang isang "national dengue epidemic" Martes ng hapon kaugnay ng patuloy na paglaganap ng sakit. 

"Nagmungkahi na ang Department of Health kay National Disaster Risk Reduction and Management Council chair Secreary Delfin Lorenzana na magpatawag... ng pulong ng konseho at magdeklara ng national dengue epidemic," sabi ni Health Secretary Francisco Duque sa Inggles.

Umabot na kasi sa 146,062 ang kaso ng dengue na naitala mula Enero hanggang ika-20 ng Hulyo, 2019. 'Yan ay 98% na pagtaas mula sa nai-record noong 2018.

"Nakababahala ito dahil umabot na sa 622 ang namamatay, so mataas ito," dagdag pa ng kalihim.

Nasa 0.4% daw ang fatality rate sa ngayon, o tantos ng mga namamatay sa kabuuang bilang ng tinamaan nito.

Ika-15 ng Hulyo nang magdeklara ng "national dengue alert" ang DOH sa ilang lugar upang maabisuhan ang lahat tungkol dito at matulungang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Sa nakalipas na tatlong linggo, lumampas na raw sa "epidemic threshold" ng dengue ang sumusunod na rehiyon:

  • CALABARZON (16,515 kaso)
  • MIMAROPA (4,254)
  • Bicol (3,470)
  • Western Visayas (20,330)
  • Eastern Visayas (7,199)
  • Zamboanga Peninsula (12,317)
  • Northern Mindanao (11,455)

Lumampas naman sa "alert threshold level" ang mga sumusunod na rehiyon: 

  • Ilocos Region (4,396)
  • Central Visayas (10,728)
  • Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (2,301)

Una nang sinabi ng Palasyo na pakikinggan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mungkahing panunumbalik ng Dengvaxia vaccination program ng gobyerno kasunod ng pagdami ng mga kaso.

"Sinabi niya [Duterte] na kailangan itong pag-aralan dahil hindi pa natitiyak ng mga eksperto [ang kaligtasan ng Dengvaxia]. Pero pakikinggan niya ang mga rekomendasyon ng kalihim ng Kalusugan, pakikinggan niya ang mga doktor," sabi ni presidential Salvador Panelo sa isang panayam sa radyo.

Show comments