OFW deployment ban sa Hong Kong binabalak
MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Department of Labor and Employment ang posibilidad na ipatigil ang pagpapadala ng mga overseas Filipino worker sa Hong Kong dahil sa lumalaking tension sa administrative region na ito ng China.
Sinabi kahapon ni Labor Secretary Silvestre Bello III na pinag-aaralan na ng pamahalaan ang sitwasyon at maaaring makapaglabas ng desisyon sa loob ng linggong ito kung ipagbabawal o hahayaang magpatuloy ang pagpapadala ng OFW sa Hong Kong.
Idinagdag ni Bello na, habang isinasagawa ang pag-aaral, nagpalabas na ang DOLE ng advisory na nagpapaalala sa mga OFW sa Hong Kong na iwasan ang mga lugar na pinagdarausan ng mga protesta at demonstrasyon doon.
Naunang iniulat ng Department of Foreign Affairs na isang OFW sa Hong Kong ang inaresto noong Sabado dahil sa umano’y paglahok sa pro-democracy protest.
“Ang totoo, hindi naman siya (OFW) sumama sa kilos-protesta. Pinaghinalaan lang siyang kasama sa protesta at inaresto siya,” paliwanag ni Bello.
Ang naturang OFW na si Jethro Pioquito ay nakasuot ng itim na t-shirt nang mapadaan sa isang kilos-protesta noong Sabado ng gabi nang mapasama siya sa mga inaresto ng pulisya.
Ayon kay Bello, nagtalaga na ang pamahalaan ng abogado para tulungan si Pioquito. Tiniyak ng kalihim na patuloy na imomonitor ng gobyerno ang kundisyon ng nadakip na OFW.
Ikokonsidera rin anya ng DOLE ang kaso ng naturang OFW sa pagdedesisyon kung ipagbabawal o hindi ang pagpapadala ng manggagawang Pilipino sa Hong Kong.
Iginiit niya ang advisory ng DOLE na nagpapayo sa mga Pilipino na iwasang mapalapit sa protest areas para maiwasang madakip.
- Latest