Cardema kinansela bilang Duterte Youth party-list nominee ng Comelec division

Ilan sa mga ibinabato kay Ronald Cardema, na kilalang kontra-Kaliwa at taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay ang pagiging masyadong matanda para maging kinatawan ng kabataan.
File

MANILA, Philippines — Sa botong 2-0, kinansela ng First Division ng Commission on Elections ang nominasyon ni dating National Youth Commission chair Ronald Cardema, ayon sa resolusyong inilabas Lunes.

Ilan sa mga ibinabato kay Cardema, na kilalang kontra-Kaliwa at taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay ang pagiging masyadong matanda para maging kinatawan ng kabataan.

Ayon kasi sa Section 9 ng Republic Act 7941, o "Party-list System Act," hindi maaaring lumampas ng 30-anyos sa araw ng eleksyon ang mga nais maging kinatawan ng sektor ng kabataan sa Kamara. Inamin mismo ni Cardema na siya'y 34-anyos na.

Pero sagot ni party-list, "youth and professionals" ang ina-advocate ng kanilang grupo kung kaya't hindi raw sila sakop ng limitasyon sa edad.

Ipinagbunyi naman nina Emil Marañon III, abogado ng mga petitioner, ang resolusyon ng First Division.

"Natutuwa kaming ibalita na sa botong 2-0, kinatigan ng Comelec First Division ang petisyon nating kanselahin ang nominasyon ni Gian Carlo Cardema bilang unang nominado ng Duterte Youth party-list," sabi niya sa Inggles.

Ilan sa mga bumoto pabor sa petisyon ay sina Comelec Commissioners Rowena Amelia Guanzon at Marlon Casquajo.

Hindi naman nakaboto si Commissioner Al Parreño na nasa "official business" daw.

"Umaasa kami na magiging unang hakbang ito para magkaroon ng reporma sa sistema ng party-list, 'yan ay para maibalik ito sa totoong inaapi at sektor na hindi napakikinggan," dagdag ni Marañon sa Inggles.

Pinasalamatan din ng abogado ang mga "totoong" kabataan na nagsulong ng kaso, kabilang ang mga militanteng kabataan na labis na tinututulan ng "radical rightist" na si Cardema.

Wala pa namang pahayag ang kampo nina Cardema at Duterte Youth party-list tungkol sa nasabing resolusyon.

Matatandaang humalili si Cardema sa kanyang misis na si Ducielle Suarez bilang first nominee matapos niyang maghain ng substitution, kasabay ng pag-atras ng iba pang mga nominado ng kanilang party-list.

Una nang naibalita na umabot sa 10 petisyon ang inihain laban sa substitution ni Cardema.

Show comments