Peter Advincula alyas 'Bikoy' nag-apply para sa witness protection program
MANILA, Philippines — Pormal nang humiling si Peter Joemel Advincula, alyas "Bikoy," na maisama sa Witness Protection Program ng gobyerno kaugnay ng inihaing kaso ng sedisyon laban sa kanya sampu ng mga lider oposisyon at relihiyoso.
Peter Joemel Advincula aka “bikoy” filed a letter of intent for WPP before the DOJ through his lawyer, Atty. Larry Gadon. @News5AKSYON pic.twitter.com/lWJWbsyXjt
— Dale De Vera (@dqdevera) August 5, 2019
Sa letter of intent na kanilang isinumite sa Department of Justice Lunes, sinabi ni Advincula na meron siyang direktang nalalaman sa "Project Sodoma" na nagpakalat ng "Ang Totoong Narcolist" videos na nag-uugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte, kanyang mga kamag-anak at kaalyado sa illegal drug trade.
Ang WPP ay ginagamit upang mahikayat ang isang tao na may kaalaman sa krimen na tumestigo sa korte habang pinoprotektahan siya mula sa mga nais maghiganti sa kanya.
Kasama si Advincula, Bise Presidente Leni Robredo at dating Sen. Antonio Trillanes IV sa 35 na inireklamo ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group kaugnay ng sedition/inciting to sedition, cyber libel, libel, estafa at harboring a criminal/obstruction of justice noong ika-18 ng Hulyo.
Unang lumutang sa publiko si Advincula sa Integrated Bar of the Philippines noong ika-6 ng Mayo upang magpatulong magsampa ng kaso laban sa mga "miyembro ng sindikato" na kanyang pinangalanan sa narcolist video.
Si Bikoy ang personaheng nagsasalita sa video na nagdawit kina Davao City Rep. Paolo Duterte at dating special assistant to the president at ngayo'y Sen. Bong Go sa drug syndicate.
Gayunpaman, bumaliktad siya 'di kalaunan at sinabing kasinungalingan lang ang laman ng produksyon.
'Banta sa buhay'
Ayon kay Advincula, humihingi siya ng WPP sa gitna ng mga banta sa kanyang buhay.
"Dahil sa mga ibinulgar kong mga prominenteng political figures at impluwensyal na personalidad sa mga serye ng imbestigasyon ng Philippine Natiional Police... nailalagay ang aking buhay at pamilya sa kapahamakan," sabi niya sa Inggles.
Ito rin ang sinabing dahilan ni Larry Gadon, kanyang abogado, sa media.
Mayo nang sabihin ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na maaaring mag-apply para sa witness protection si Advincula.
Una nang itinanggi ni Trillanes at Liberal Party ang mga akusasyon ni Advincula, at sinabing wala silang kinalaman sa video ni Bikoy. — may mga ulat mula sa News5
- Latest