Bagyong Hanna magiging 'severe tropical storm' sa loob ng 24 oras
MANILA, Philippines — Lalo pang lumakas ang binabantayang tropical storm Hanna sa pinakabagong weather update ng Pagasa.
Namataan ang bagyong Hanna 875 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan alas-diyes ng umaga Lunes na may lakas na 85 kilometro kada oras at pabugso-busgong 105 kilometro kada oras.
Posibleng lumakas pa para maging "severe tropical storm" ang bagong Hanna sa loob ng 24 oras.
Kumikilos ito sa direksyong hilaga hilagangkanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Inaasahan na lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility sa Biyernes ng umaga.
Hindi pa naman ito nakikitang magla-landfall ang bagyo sa ngayon.
Bagyo hinihila ang Habagat pero...
Bagama't nasa gitna ng karagatan itong tropical storm Hanna, apektado pa rin nito ang Pilipinas sa pagpapalakas nito sa Hanging Habagat sa kanluran ng bansa.
Pero naililihis ang lakas ng Habagat patungo sa isang low pressure area sa labas ng Philippine Area or Responsibility sa bandang West Philippine Sea sa ngayon.
"'Yung hangin natin, sa halip na tumagos dito sa parteng Luzon, ay nada-divert dito sa parteng low pressure area. Kaya naman kung mapapansin natin ngayong umaga medyo maaraw dito sa Metro Manila, dito sa parts ng Central Luzon at CALABARZON," sabi ni Benison Estareja, weather specialist ng Pagasa.
Mas makatitikim ng mga pag-ulan buhat ng Habagat ang MIMAROPA at Western Visayas.
Ilan na riyan ay ang hilagang bahagi ng Palawan (kasama ang Calamian at Cuyo Islands), mga probinsya ng Mindoro, Romblon, at Western Visayas.
Maulap na panahon at kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat lang ang mararanasan sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, at nalalabing bahagi ng MIMAROPA at Visayas.
- Latest