31 na patay sa tumaob na 3 bangka
MANILA, Philippines — Umakyat na sa 31 ang natagpuang patay, 5 ang nawawala at 52 ang nasagip sa pagtaob ng tatlong pampasaherong bangka sa Iloilo-Guimaras Strait noong Sabado ng hapon.
Sa isinasagawang search, rescue at retrieval operation ng Philippine Coast Guard (PCG), bukod sa 11 bangkay na kinabibilangan ng dalawang lalaki, isang bata at 8 babae, may panibagong 20 bangkay ang nadiskubre kung saan 10 ang natagpuan sa ilalim ng MB Jenny Vince sa Naluoyan Port, Dumangas town, Iloilo bandang alas 6:00 ng umaga habang ang isa pa ay nakitang lumulutang sa dagat sa lugar ding ito.
Dakong alas 2:00 ng hapon nitong Linggo nang matagpuan ng SAR team ang 9 na katawan mula sa lumubog na MB Chi-chi at MB Keshia 2. Nasa 30 survivors, 3 ang ginagamot sa ospital habang 3 ang nawawala na pawang mga lalaki batay sa manifesto at 4 ang nakasurvive na may kabuuang 51.
Ang ikatlong bangka na MB Jenny Vince ang nagtala ng 20 patay, 18 survivors at 2 pa ang nawawala.
Papuntang Guimaras mula Iloilo ang naturang mga bangka nang salpukin sila ng malalaking alon dahil sa malakas na hangin dulot ng habagat kaya tumaob.
Kinilala ang 28 sa mga nasawi batay sa talaan ng United Filipino Seafarers na ibinigay ng RMN Radio Iloilo na sina Jhinny Condestable, 32; Adora Java, 34; Jen Lloyd Salanatin, 9; Claire Faith Segovia, 32; Rachel Soltires, 18; Cynthia Eleasario, 54; Lourdes Gasanggan, 38; Eliezar Galotera, 56; Jhairuz James Alejado, 1 y.o.; Angelita Basco, 51; Lemmy Rombla, 58; Lyn-Lyn Janolino, 26; Andrew Valenzuela, 39; Eden Perales, 37; Jackie Alfires, 29; Romeo Baguio Jr., Jay Arvien Baguio, 3; Danilyn Baguio, Zenie Anilao, Emely Legada, Ivy Labordo, Jorge Buenavista, 40; Nena Gardoce, midwife at Rose Telis.
Pansamantala nang sinuspinde ang biyahe sa Iloilo City patungong Guimaras.
- Latest