MANILA, Philippines — Inaresto ng Hong Kong police ang isang Pinoy worker makaraang mapagkamalan umano na kasama sa isang protesta nang mapadaan siya sa isang protest area na nakasuot ng itim na t-shirt nitong nakaraang Sabado ng gabi.
Kasalukuyang nakadetine ngayon sa North Point Police Station si Jethro Pioquinto, isang empleyado ng Hong Kong Disneyland at humihingi ng tulong ngayon sa konsulada ng Pilipinas para makalabas.
Nabatid na napadaan si Pioquinto sa isang kalsada sa Mongkok sa Kowloon peninsula at napasama sa isang grupo ng mga demonstrador na nagpo-protesta kontra sa pamahalaan ng Hong Kong dakong alas-11 ng gabi.
Nang magkahulihan, isa si Pioquinto sa dinampot ng mga pulis sa pag-aakalang kasama siya sa demonstrasyon. Nakita ang pag-aresto sa kanya sa internet sa pamamagitan ng live streaming ng isa niyang kaibigan.
Nabatid naman na inaasikaso na ng mga abogado ng Hong Kong Disneyland ang kaso ni Pioquinto upang agad siyang mapalabas sa kulungan.
Sa mga nakalipas na buwan, sunud-sunod na malakihang protesta ang isinagawa sa mga kalsada ng Hong Kong dahil sa pagkontra sa panukalang “extradition law”. Ilan sa mga protesta ay nauwi sa karahasan.