MANILA, Philippines — Suportado ng Philippine National Police ang ideya ni Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang mga unipormadong miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) bilang augmentation forces sa law enforcement at public order operations ng kapulisan.
Sinabi ni PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac na ang naturang hakbang ay magpapalakas sa kampanya ng pamahalaan laban sa kriminalidad at nagbibigay ng kakayahan sa mga bumbero sa panahon ng national emergency.
Pinuna ni Banac na isang madalas na problema sa mga bumero ang kanilang seguridad tuwing tutugon sila sa mga sunog kapag merong magugulong evacuees. May pagkakataon din na ang mga bumbero ay inaatake ng mga galit na tao dahil sa pagkadismaya sa sunog.