MANILA, Philippines — Isa na ang batas militar sa mga tinitignang solusyon ni Pangulong Rodrigo Dutere kasunod ng serye ng mga patayan sa Negros Oriental.
Ito ang ibinahagi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa media Huwebes sa isang press briefing.
"Marami siyang pwedeng pagpilian sa Saligang Batas: Pwede niyang atasan ang sandatahang lakas para sawatahin ang karahasan, pwede siyang magdeklara ng batas militar," wika ni Panelo sa Inggles.
Ang posibilidad ng martial law ay kaugnay pa rin daw ng hinihinging "emergency powers" ni Duterte kagabi sa ika-69 anibersaryo ng National Intelligence Coordinating Agency.
Ang nasabing "emergency powers" na hinihingi ni Duterte ay inilutang na rin ni Panelo kahapon.
Ang nasabing kapangyarihan, sabi ni Panelo, ay gagamitin daw upang durugin ang "lawless violence" na nangyayari sa isla: "Pati na rin upang wasakin ang lahat ng bantang nais magpabagsak sa gobyerno."
Mahigit 21 katao na ang namamatay sa Negros Oriental simula noong nakaraang linggo, kabilang ang isang alkalde, kapitan ng barangay, human rights lawyer, mga guro at apat na pulis.
Nang tanungin kung kailan gagamitin ni Duterte ang nasabing emergency powers, ito ang nasabi ni Panelo: "Batay sa talumpati niya kagabi, mukhang malapit na ito."
"Ayaw ng presidente na mangyari ito. Gusto niya itong matigil. Ang tanging paraan na lang ay gumamit ng emergency powers."
Sa ilalim ng Article VII Section 18 ng 1987 Constitution, maaaring ideklara ang martial law kahit sa isang partikular na lugar lamang sa Pilipinas.
Kung matutuloy ang martial law sa Negros, ito na ang ikalawang lugar na isasailalim sa batas militar ni Duterte.
Susundan nito ang buong Mindanao, na isinailalim dito noong 2017, kasunod ng sagupaan ng gobyerno at mga pwersa ng Maute group sa Marawi.
May martial law pa rin doon ngayon kahit Oktubre 2017 pa lang ay idineklara na ni Duterte ang "liberation" ng lugar mula sa terorismo.
Isa rin ang Negros Oriental sa isinailalim sa Memorandum Order 32 noong ika-22 ng Nobyembre, 2018 kasama ang Negros Occidental, rehiyon ng Bicol at Samar.
Layon nitong tapusin at gipitin aniya ang "lawless violence" sa mga nasabing lugar.
Nagpadala din kamakailan ang Philippine National Police ng 300 Special Action Force sa Negros Oriental, bilang na hindi raw sapat para matapos ang karahasan sabi ni Panelo.
Kinundena naman ng mga progresibo ang pahayag ng Palasyo tungkol sa posibilidad ng martial law.
"Tinututulan namin ang anumang pagpapalutang ng martial law sa Negros o sa kabuuan ng Visayas," sabi ng Defend Negros #StopTheAttacks Network kanina.
Aniya, nakita naman daw kung paanong "winasak" ng martial law ang Mindanao.
"Kaysa magpataw ng martial law, kailangang sagutin ng gobyerno ang problema sa lupa ng mga magsasaka sa Negros, na kabisera ng mga hacienda, kung saan nananatiling hawak ng panginoong may lupa at iilang pamilya ang mga sakahan," dagdag ng grupo.
Gobyerno o mga komunista ang may kagagawan?
Sa ngayon, nagtuturuan ang gobyerno at Communist Party of the Philippines kung sino ang mga nasa likod ng mga pagpatay.
Kung si Philippine Army 303rd Brigade chief Brig. Gen. Benedict Arevalo ang tatanungin, mga miyembro raw ng communist-led New People's Army ang may kagagawan ng mga karahasan.
"Ang klaro dito 'yung CPP-NPA sponsored killings. Kung wala talagang CPP-NPA ay hindi naman magkakaganito 'to. Sa kanila talaga nagsisimula ang gulo," sabi ni Arevalo sa ulat ng ABS-CBN.
Pero sagot naman ng CPP, "death squad" ni Duterte ang mga nagsagawa ng malawakang patayan.
Sa July 30 statement ng CPP, sinabi ng mga rebelde na mga "abogado, progresibo, aktibista at mga ordinaryong tao" ang pinupuntirya ng gobyerno.
"Karamihan ng mga biktima ay inaakusahan ng militar at pulis na 'mga tagasuporta,' 'simpatisador' o may kaugnayan sa NPA at sa pambansang demokratikong kilusan," sabi ng CPP.
"Mistulang batas militar ang umiiral sa Negros."
Pero depensa ng PNP, sinasadya raw ng mga komunista na patayin ang sariling mga kasamahan para siraan ang gobyerno.
"May iskema ang CPP-NPA na isakripisyo ang kanilang mga tao para isisi sa gobyerno ang mga paglabag sa karapatang pantao," sabi ni PNP chief Police Gen. Oscar Albayalde.
Ayon naman kay Panelo, pinagsasamantalahan ng NPA ang mga alitan sa lupa sa Negros Oriental.
Sabi pa ng tagapagsalita ng presidente, ang CPP-NPA raw ang pumipili kung sino ang maaaring magmay-ari at mag-okupa ng ilang lupa sa Negros.
"Nabanggit niya kagabi na marami ang sumusuporta ngayon sa mga NPA. Pinagsasamantalahan nila ang pagkakagulo ng mga away sa lupa."
Kilala ang NPA sa paglulunsad ng rebolusyonaryong agraryo, na pamamahagi ng lupa ng mga komunista sa mga magsasakang "inaagawan" ng lupa ng mga haciendero.
Ilang namatay kritiko ng gobyerno
Sa kabila ng mga patutsada ng gobyerno na NPA ang gumagawa ng pagpatay sa Negros, kapansin-pansin na ilan sa mga kasama sa mga napatay doon ngayong taon ay mga kritiko ng gobyerno.
Kasama ang abogadong si Anthony Trinidad sa mga pinatay nitong nagdaang linggo, na matagal na raw nire-"red tag" ng militar.
Ayon sa Defend Negros #Stop the Attacks Network, taong 2018 pa raw iniuugnay si Trinidad sa mga komunista.
Kilala siya sa paghawak ng mga kaso ng mga magsasakang affiliated sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Anakpawis party-list simula pa noong 2007.
Kinundena naman ng mga kapatid ni Trinidad kahapon ang pag-uugnay sa abogado sa mga rebelde.
"Kami, mga kapatid ng pinaslang na abogadong si Anthony Trinidad, ay labis na nagagalit sa pagtawag sa aming kapatid at pamilya bilang sympathizer ng mga komunista," sabi ni Andrea Hernandez Trinidad.
Aniya, dahil sa red-tagging ay na-ulila ang tatlong anak at misis ni Anthony.
Sinisisi rin ng mga aktibista ang MO 32 sa Negros na dahilan ng pagkamatay ng maraming kritiko ng gobyerno sa gitnang-panig ng Pilipinas, gaya ng mga namatay sa Oplan Sauron 1 at 2 nitong Disyembre 2018 at Marso 2019.
Kabilang sa mga napatay doon ng mga pulis ang 14 na indibidwal, mga taong pinaghihinalaan ng gobyerno bilang rebeldeng komunista ngunit pinaninindigan ng Kaliwa bilang mga magsasaka.