Death toll sa lindol: 9; pinsala umabot sa P47-M ang halaga

Sa report ng Municipal Disaster Reduction Management Office, nahango mula sa tipak ng guho ng kanyang tahanan si Edwin Ponce, 32, na naunang naiulat na nawawala simula nang manalanta ang lindol noong Sabado. Siya ang naitalang pangsiyam sa mga nasawi.

MANILA, Philippines — Pumalo na sa siyam katao ang kabuuang bilang ng namatay sa kambal na lindol noong Sabado sa bayan ng Itbayat, Batanes habang umaabot na sa P47-milyon ang halaga ng mga napinsalang mga ari-arian.

Sa report ng Municipal Disaster Reduction Management Office, nahango mula sa tipak ng guho ng kanyang tahanan si Edwin Ponce, 32, na naunang naiulat na nawawala simula nang manalanta ang lindol noong Sabado. Siya ang naitalang pangsiyam sa mga nasawi.

Ayon sa Pulisya, lima sa walong naitalang namatay ang kaagad inilibing ng mga kaanak sa common grave noong Linggo sanhi ng masalimuot na sitwasyon.

Pinangangambahang meron pang hindi nadidiskubreng patay sa isla hangga’t hindi pa maisagawa ng awtoridad ang pagronda sa lugar.

Ayon kay Governor Marilou Cayco, karamihan sa mahigit 3,600 residente sa Itbayat ay sumisilong muna sa mga tent sa takot manalasang muli ang malalakas na after shocks.

Ang mga itinayong tent ang dahilan kung bakit hindi na nagpasyang lumapag ang sinasakyang helicopter ni Pangulong Rodrigo Duterte Duterte sa Itbayat matapos magsagawa ng flyover sa takot na ilipad at sirain ng hangin ang mga ito, dagdag ni Cayco.

Isa pa ang nawawala at nasa 63 naman ang nasugatan sa pagguho ng lupa.

Samantala, umaabot na sa kabuuang P47 milyon ang halaga ng mga napinsalang ari-arian sa lindol sa Itbayat.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesman Mark Timbal, kabilang sa mga napinsala ang health facilities na aabot sa P40 milyon sa Itbayat District Hospital at P 7 milyon naman ang napinsala sa Itbayat Rural Health Unit. Nasa 15 kabahayan naman at dalawang eskuwelahan ang napinsala ng 5.4 magnitude ng lindol na sinundan naman ng 5.9 magnitude.

Isinailalim na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) and kanilang tanggapan sa red alert status  habang patuloy and kanilang pagmonitor at pagbibigay tulong sa mga biktima ng lindol sa Batanes. Sinabi ni DSWD spokesperson Aireen Dumlao na ang kanilang field office sa Tuguegarao ay nasa red alert status at namimigay na rin ng mga tulong sa mga biktima.

Show comments