300 SAF commandos ipinadala sa Negros
MANILA, Philippines — Tatlong daang elite Special Action Force (SAF) commandos ang ipinadala ng Philippine National Police sa Negros Oriental upang pigilan ang pagdanak ng dugo sa serye ng pamamaslang ng umano’y gumagalang mga armadong kalalakihan sa lalawigan nitong nakalipas na mga araw.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde na ang 300 SAF troopers ay tutulong sa puwersa ng pulisya at tropa ng militar upang tugisin ang mga armadong salarin na nasa likod ng pamamaslang.
Una nang tinukoy nina Central Visayas Police Chief Police Brig. Gen. Debold Sinas at Negros Provincial Police Office Director Police Colonel Raul Tacaca na ang Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA) ang nasa likod ng pamamaslang base na rin sa mga iniwan ng mga itong bakas sa krimen at istilo ng pagpatay.
Simula noong Hulyo 23 ay 17 sibilyan na ang pinaslang ng mga armadong kalalakihan sa Negros Oriental kung saan karamihan sa mga biktima ay may ugnayan at sympathizers umano ng rebeldeng NPA.
- Latest