DOJ pinaiimbestigahan na ang 'korapsyon' sa PCSO

Pahayag naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, mga appointees ni Duterte ang iniuugnay sa korapsyon at hindi dapat magdusa ang lahat ng nakikinabang sa PCSO.
The STAR/Edd Gumban

MANILA, Philippines — Binigyan na ng "go signal" ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation na masilip ang diumano'y katiwalian na nangyayari sa loob ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Sinabi ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra Lunes matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensyon ng lotto at gaming operations ng PCSO dahil sa mga alegasyon ng korapsyon.

"Inaatasan at binibigyang otoridad ang NBI, sa pamamagitan ni director Dante A. Gierran, na magsagawa ng imbestigasyon at case build-up sa diumano'y graft and corrupt practices sa PCSO at sa iba't ibang gaming operations nito," sabi Guevarra sa Inggles isang pahayag Lunes.

Ang PCSO ay isang government-owned and controlled corporation na nangangalap ng pondo para sa mga programang pangkalusugan, medical assistance at charity.

Ayon sa source ng The STAR, ilang opisyales daw ng pulis at militar ang may kinalaman dito.

Posibleng umabot daw ng P50 milyon ang nawala sa korapsyon kaugnay ng mga kwestyonableng transaskyon ayon kay presidential Spokesperson Salvador Panelo, halagang maaaring pumasok na sa pandarambong (plunder).

"[K]ung sapat ang ebidensya, hahainan ng kaukulang kaso ang mga taong responsable rito," dagdag ni Guevarra.

PNP, AFP maniniguradong maipasara ang mga lottohan

Inatasan na rin ni Duterte si Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde at Armed Forces of the Philippines chief Gen. Benjamin Madrigal na siguruhing maipasara ang mga nabigyan ng prangkisa habang nagsasagawa ng imbestigasyon.

"Kaya, inuulit ko, inuutusan ko ang militar at pulis na itigil ang mga laro. Lotto, STL [small town lottery], Peryahan ng Bayan pati 'yung mga makinang mahahanap kung saan-saan na sugal talaga," sabi ni Duterte. 

Aapela naman daw ang PCSO sa direktiba ng presidente dahil sa maaapektuhang mga manggagawa at mawawalang kita.

Hinikayat pa rin nila ang mga mananalo sa mga tumaya sa lotto at Keno na kunin ang kanilang mga premyo sa main office sa gitna ng kautusan ni Digong dahil balido ang winning tickets sa loob ng isang taon. 

Umabot na sa 30,384 gaming outlets ang naipasara nitong weekend sa buong bansa, ayon sa PNP.

Humahanap na rin ng mga alternatibong pagkukunan ng pondo ang Department of Health para punan ang pangangailangan ng Universal Health Care program kasunod ng suspensyon.

'Huwag pahirapan ang mahihirap'

Samantala, tinawag namang hindi makatarungan at iligal ng mga militanteng mambabatas ang desisyon ng pangulo.

Pahayag naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, mga appointees ni Duterte ang iniuugnay sa korapsyon at hindi dapat magdusa ang lahat ng nakikinabang sa PCSO.

"Kung ang mga tiwaling opisyales ay itinalaga ni prpesidente Duterte, dapat sibakin niya ito at i-overhaul ang nasabing tanggapan," bwelta ni Zarate.

"Ang nangyayari ngayon ay pinarurusahan niya ang lahat, pati ang mga nakaasa sa PCSO para matugunan ang kanilang pangangailangang medikal."

Taong 2011 pa lang daw ay itinutulak na ng Bayan Muna ang mga probe at reporma sa loob ng PCSO ngunit hindi daw sila napakikinggan.

Sa kanilang House Resolution 1588 noong 2018, ipinasilip nila ang P9.8 milyong pondo ng ahensya na ginamit diumano sa Christmas party sa Shangri-La Hotel.

Nasa P2 bilyon lang din daw ang inilaan ng ahensya para sa charity fund, mula sa P18 bilyong kita ng STL. 

Maliban dito, 15-20% lang din daw ang idinedeklarang kita ng STL operators, habang ginagamit diumano ang 80% ng revenue para bayaran ang mga "high-ranking officials" ng PCSO.

Pinaiimbestigahan din noon ng resolusyon ang pag-hire daw sa mga anak ng PCSO officials bilang kawani at consultant ng ahensya.

Sa kabila nito, hindi daw na-overhaul ang opisina ng PCSO at pinanatili ang military appointees nito.

Nitong 2019, pinangalanan ni Duterte si Police Col. Royina Garma bilang general manager nito.

"Nitong SONA [State of the Nation Address], sinabi ni Duterte na nagtatalaga siya ng militar at pulis sa mga ahensya dahil hindi sila tiwali, pero ang mga kabaliktaran ang lumalabas sa gitna ng mga isyu sa BOC [Bureau of Customs], PCSO at iba pa," dagdag ni Zarate.

Ayon naman kay Bayan Muna chairperson Neri Colmenares, sana'y hindi raw ginagawa ang "shakedown" sa PCSO upang hawan ang daan sa mga pasugalang Tsino at pagpasok ng mga malalapit sa Palasyo sa games and amusement sector. — may mga ulat mula sa News5 at The STAR

Show comments