MANILA, Philippines — Umabot ng P47-milyong pinsala ang naitala sa magkasunod na magnitude 5.4 at 5.9 na lindol sa Itbayat, Batanes nitong ika-27 ng Hulyo.
Matatandaang umabot ng Intensity VII ang pagyanig na nangyari noong 7:37 ng umaga, na isinasalarawan bilang "destructive" ng Philippine Institute of Volcanology and Seigmology.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong umaga, 15 kabahayan, dalawang eskwelahan at dalawang health facilities ang nasira ng lindol.
Umabot sa walo ang patay sa insidente habang 63 naman ang nasaktan. Isa ang nawawala magpahanggang ngayon.
Pumalo naman sa 911 pamilya o 2,963 katao ang naapektuhan ng nangyari sa limang baranggay ng Itbayat.
Meron namang stockpile at standby funds na aabot sa P1,974,281,401 ang Department of Social Welfare and Development Central Office, field offices at National Resource Operations Center.
Nangako naman ang pamahalaan ng P40 milyon para makapagtayo ng bagong pasilidad pangkalusugan doon.
Ayon naman kay Pangulong Rodrigo Duterte, kinakailangan tiyakin na tuloy-tuloy ang pagtanggap ng mga komunidad ng tulong.
"Just make sure that your supply line is working and that nobody gets hungry. When people see the government supplies, it raises hope from so much distress," sabi niya nitong Linggo sa isang briefing.
(Siguruhin niyo lang na gumagana ang supply line at walang magugutom. Kapag nakikita ng tao na may suplay galing sa gobyerno, tumataas ang kanilang pag-asa at nababawasan ang kanilang pagkabalisa.)