MANILA, Philippines — Susunod ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kautusan ni Pangulong Duterte na suspindihin muna ang kanilang gaming activities, dahil na rin umano sa alegasyon ng katiwalian.
“Pursuant to the order of the President, suspending PCSOs gaming activities, the PCSO Board directs compliance to said instruction until further notice,” ani PCSO General Manager Royina M. Garma.
Inabisuhan rin ni Garma ang kanilang valued customers na pansamantala munang suspendido ang lahat ng PCSO games.
Pinayuhan nito ang lahat ng mga advance play tickets na hindi mabobola na itago muna ang kanilang tiket hanggang wala pang inilalabas na bagong kautusan ang Pangulo hinggil sa isyu.
“All players with advance play tickets are advised to keep their tickets until further notice,” ani Garma.
Siniguro naman ni Garma na aapela sila sa Pangulo na maipagpatuloy ang pagsasagawa ng lahat ng kanilang gaming activities para na rin umano sa interes ng PCSO, kanilang mga ahente at mga benepisyaryo.