MANILA, Philippines — Agad na ipinag-utos kahapon ni Pangulong Duterte sa mga ahensya ng gobyerno na magpadala ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Batanes partikular sa bayan ng Itbayat.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, masusi ring binabantayan ng Pangulo ang sitwasyon at inatasan na ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na tumulong katulad ng Office of the Civil Defense.
Sinabi ni Panelo na ang OCD ang nakikipag-koordinasyon sa mga local government units at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Batanes.
Tiniyak naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea bibisitahin ng Pangulo ang lugar na tinamaan ng lindol kung saan 8 na ang naiulat na namatay kahapon.
Ayon pa kay Medialdea, nagtungo na sa Batanes ang Philippine Air Force C295 kahapon ng umaga para magdala ng medical at rescue team.
Nauna rito, nagbabala ang Philvocs sa posibilidad na magkaroon ng mga serye ng aftershocks pero pinawi naman nila ang posibilidad ng pagkakaroon ng tsunami.