House probe sa dengue outbreak
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan sa Kamara ang mga naging hakbang ng gobyerno para tugunan ang lumalala at tumataas na kaso ng dengue sa bansa.
Sa House Resolution 124, inaatasan ang Committee on Health na imbestigahan “in aid of legislation” ang mga aksyon ng pamahalaan sa dengue outbreak sa bansa at kung may sapat na pondo para tugunan ang pangangailangan ng mga nagkakasakit.
Nakasaad na mula January 1 hanggang July 6, 2019 ay dumoble sa 115,986 ang kaso ng dengue mula sa 62,267 noong nakaraang taon.
Umabot na rin umano sa puntong hindi na ma-confine ang ilang dengue patients sa mga ospital lalo na sa mga probinsya dahil puno na at wala na silang mapaglagyan.
Ilang pagamutan ang nagtayo na lamang ng tents para maging treatment centers sa mga pasyente.
Samantala, isinisi ni dating Health Secretary at ngayon ay Iloilo City Rep. Janette Garin sa pamumulitika sa kontrobersyal na bakunang Dengvaxia ang paglobo ng kaso ng dengue sa bansa.
Sinabi ni Garin, na sa halip na makatulong ang Dengvaxia na magbigay ng lunas sa mga pasyenteng nagka-dengue ay kinatatakutan pa ito ngayon.
Umabot na umano sa 21 bansa ang gumagamit nito para pigilan ang pagtaas ng kaso ng nakamamatay na sakit subalit dahil sa pag-uugnay sa pulitika ay maraming magulang ang nangangambang pabakunahan ang mga anak.
Nanawagan si Garin sa DOH at Food and Drug Administration (FDA) na ibalik na ang Dengvaxia vaccine para masugpo ang paglobo ng dengue.
- Latest