MANILA, Philippines — Siniguro ng Malacañang na bibigyan ng free legal assistance ang Pinay na inaresto sa Malaysia matapos umanong mahulihan ng 5.9 kilo ng shabu.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, dapat munang ipalagay na inosente ang hindi muna pinangalanang Pilipina at hindi ituring na isang drug pusher o drug trafficker.
“The government will provide her with free legal assistance to protect her rights as she is a Filipino citizen. She could be an innocent courier and not a drug pusher or drug trafficker,” sabi ni Panelo.
Nakahanda rin anya ang ating gobyerno na gamitin ang lahat ng legal remedies sa ilalim ng Malaysian legal system kung sakali mang mahatulang guilty ang 32-anyos na Pinay na inaresto sa isang bahay sa Manggatal, Kota Kinabalu matapos makumpiskahan ng halos anim na kilo ng shabu.
Aniya, kapag mapapatunayan sa mga ebidensiya na sangkot sa drug trafficking ang Pinay ay hahayaan na lamang nilang gumulong ang batas na ipinatutupad sa Malaysia.
Sa batas ng Malaysia, parusang kamatayan sa pamamagitan ng “hanging” ang naghihintay sa mga mahuhulihan ng hindi bababa sa 15 gramo ng illegal drugs.
Sa record ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay hindi bababa sa 48 mga Pinoy ang nasa death row ng Malaysia.