'Huwag mangialam sa South China Sea': Impeachment ni Carpio inaasam ni Gadon

Sabi ni Gadon, walang say si Carpio sa diskarte ni Duterte sa ugnayang panlabas dahil siya'y nasa ilalim ng hudikatura habang nasa ehekutibo naman ang pangulo.
File; Philstar.com

MANILA, Philippines — Ibinukas ng dating senatorial candidate at abogadong si Larry Gadon ang pagpapatalsik kay Associate Justice Antonio Carpio dahil sa panghihimasok niya diumano sa usapin ng West Philippine Sea.

Sa panayam kasi ni Carpio sa CNN Philippines kanina, sinabi niyang dapat bawiin ng Malacañang ang pahayag na Tsina ang may "legal possession" ng mga teritoryo sa WPS, na nasa loob ng exclusive economic zone ng 'Pinas.

Tinutukoy ni Carpio ang statement ni presidential spokesperson Salvador Panelo, na kumokontra raw sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016.

Pero paliwanag ni Gadon, walang say si Carpio sa diskarte ng presidente, na bahagi ehekutibo: "Hindi ito pwede pakialaman ng judiciary. Hindi pwede[ng] excuse ni Carpio na he is saying it in his personal capacity."

Nag-inhibit si Carpio sa pagdinig sa petisyon na humihingi ng Writ of Kalikasan para protektahan ang ilang bahagi ng West Philippine Sea. Bago pa man naging presidente si Pangulong Rodrigo Duterte, nagbibigay na ng mga lecture at dumadalo sa mga forum tungkol sa West Philippine Sea si Carpio.

"Kung meron dapat kasuhan ng impeachment, dapat si [Associate Justice] Antonio Carpio because he is already encroaching on the prerogatives of the Chief Exceutive in performing his duties in conection with foreign relations," sabi ni Gadon sa reports Huwebes.

(Kung meron dapat kasuhan ng impeachment, dapat si AJ Antonio Carpio dahil nanghihimasok na siya sa desisyon ng Chief Executive sa paggampan ng tungkulin pagdating sa relasyong panlabas.)

Sa State of the Nation Address ng Duterte noong Lunes, matatandaang sinabi rin niyang Tsina may hawak (in possession) ng mga nasabing ari-arian.

Maliban dito, hinahayaan din ni Duterte na mangisda sa loob ng EEZ ng bansa ang mga Tsino sa dahilan na hindi naman daw sila mapipigilan.

'Illegal, hindi legal possession'

Kanina, sinabi rin ni Carpio na walang "legal possession" ang Tsina rito kahit na okupahin pa ng bansa ang mga lugar.

"The basis of their claim is the nine-dash line. And the tribunal said, 'No, that has no legal effect. It's invalidated.' So China, even if it's physically in possession, assuming they are... It's not legal possession. It's illegal possession," dagdag ng mahistrado.

(Ang batayan ng kanilang pag-aangkin ay ang nine-dash line. At ang sinabi ng tribunal, "walang epekto 'yan." Kaya kahit makontrol pa ng Tsina ang mga lugar, hindi 'yan ligal na pagkontol. Iligal 'yan.)

Binibigyan din daw ng bala ni Panelo ang Tsina dahil sa pagsabing sila ang may ligal na pag-aari rito.

Pero bwelta naman ni Gadon, huwag nang banggitin ni Carpio ang arbitral ruling dahil hindi naman daw ito kayang ipatupad.

"China has repeatedly stood firm that it does not subject itself to the arbitration and it does not submit to its authority hence there is no valid arbitration ruling that would legally bind China into obeying the judgement," sabi pa niya.

(Ilang ulit nang nanindigan ang Tsina na hindi siya magpapasailalim sa arbitration kung kaya't walang balidong arbitration ruling na mag-oobliga sa Tsina na sumunod sa desisyon.)

Mas mabuti raw na bumaba na lang daw at lisanin niya ang pagiging associate justice kung nais niyang panigan ang oposisyon. 

Ayon sa tagapagsalita ng Korte Suprema noong pinasalamatan ni dating House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo si Duterte sa pagkaka-acquit sa kanya sa mga kaso, nagde-desisyon ang korte ayon sa batas at hindi sa pulitika.

“[T]he public can be assured that the Supreme Court has and will always act independently and free from influence from other branches of government,” ani Brian Keith Hosaka, ang hepe ng SC Public Information Office.

(Makaaasa ang publiko na may sariling pagpapasya ang Korte Suprema at hindi naiimpluwensyohan ng ibang sangay ng pamahalaan)

Mas napapanahon sa impeachment ni VP Leni?

Giit pa ni Gadon, mas hinog ang kondisyon upang patalsikin si Bise Presidente Leni Robredo, na humaharap naman ngayon sa mga reklamo ng sedisyon.

"Mas gugustuhin ko mag file against Justice Carpio at this time. Konting-konti na lang, malalagot na pisi ko," dagdag ni Gadon, na kilalang loyalista ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

'Yan ay kahit na nakatakda nang mag-retiro ang mahistrado sa darating na Oktubre.

"Aabot pa rin siguro," kanyang paliwanag, dahil isang linggo lang naman daw ang itatagal ng filing.

Nang tanungin ng PSN, sinabi naman niya na wala pang tiyak na petsa kung kailan niya ito ihahain.

"[W]ala pa[ng] definite... it was just a thought talaga, kasi i am concerned as a lawyer that he is telling the public misleading facts."

Show comments