MANILA, Philippines – Hindi maaring ipataw ang death penalty sa pamamagitan ng pagbigti dahil labag ito sa Konstitusyon.
Ito ang nilinaw kahapon ni Senate President Vicente Sotto III sa pahayag ng Malacañang na pabor ang Pangulo na bigtihin na lamang sa pamamagitan ng lubid ang mga paparusahan upang makatipid.
Ayon kay Sotto, maliwanag ang nakasulat sa Konstitusyon na dapat ay humane o makatao ang parusa sa anumang krimen. Ang pagbigti aniya ay hindi maihahanay sa katergoryang “humane.”
Ipinunto rin ni Sotto ang sinabi ng Supreme Court na ang maituturing na “humane” na parusa ay ang pagpatay sa pamamagitan ng lethal injection.
Bagaman at inaasahan na ni Sotto na magkakaroon ng mahabang debate posible pa ring pumasa sa Senado ang panukala dahil mas marami ang bilang ng mayorya kumpara sa minorya na apat lamang at hindi pa makakasali sa botohan si Sen. Leila de Lima na kasalukuyan pa ring nakakulong.
Isinusulong naman nina Senators Manny Pacquiao at Ronald dela Rosa na ipataw ang death penalty sa pamamagitan ng firing squad.
Sinabi ni Pacquiao na pabor siya na ibang paraan na lamang ang gamitin kung hindi rin uubra ang firing squad.
Personal na isinulong ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang pagbuhay sa parusang kamatayan para sa mga heinous crimes na may kinalaman sa ilegal na droga at plunder.
Naniniwala rin si Pacquiao na nakasulat sa Bibliya na maaring ipataw ang parusang kamatayan.