Pagbawi sa mga kalsada sisimulan na ng DILG
MANILA, Philippines — Sisimulan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagbawi ng mga kalsada sa Metro Manila mula sa mga vendor.
Ang aksiyon ng DILG ay bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Duterte sa kanyang State on the Nation Adress (SONA) na bawiin ang mga bangketa at pampublikong kalsada na pribadong nagagamit ng iilan.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, pupulungin niya bukas ang mga alkalde sa Metro Manila at mga opisyal ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa pagsasagawa ng muling pagbawi sa mga kalsada na matagal ng pinakinabangan ng mga vendor.
Maging ang mga barangay official ay kakausapin din ng DILG upang matiyak na hindi magsisipagbalikan ang mga vendor sa kalsada na isa sa pangunahing dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Aniya, bumabalik ang mga vendor sa kanilang puwesto kapag umalis na ang grupo ng clearing operation.
Binalaan ng DILG na sino mang hindi susunod at hindi makikipagtulungan sa kanilang kautusan ay sasampahan nila ng kaso at sisibakin sa puwesto.
Makikipagpulong din ang DILG sa mga may-ari ng eksklusibong subdibisyon upang mabuksan ang kanilang mga kalsada na maaaring magamit ng mga motorista.
- Latest