Panawagan ni Duterte na maibalik ang 'death penalty' suportado ng PNP
MANILA, Philippines — Buo ang suporta ng Philippine National Police sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibalik ang parusang bitay kaugnay ng mga karumaldumal na krimen nitong ika-apat na State of the Nation Address ng presidente.
Ayon kay Police Gen. Oscar Albayalde, PNP chief, mabibigyan nito ng "ngipin" ang krusada ng gobyerno laban sa krimen, droga, katiwalian, pandarambong at iba pa.
"I firmly believe that the deterrent effect of the certainty of punishment will be a gamechanger in our continuing campaign against illegal drugs, heinous crimes and corruption, particularly against drug traffickers, smugglers and peddlers of illegal drugs," wika ni Albayalde sa isang media briefing Martes.
(Naniniwala ako na malaki ang maitutulong ng ng tiyak na parusa sa ating kampanya kontra iligal na droga, karumal-dumal na krimen at korapsyon, partikular sa mga tulak ng droga at smuggler.)
Sa pagbubukas ng 18th Congress kahapon, matatandaang hiniling ni Duterte sa mga mambabatas na maibalik ang parusang kamatayan sa mga kasong kaugnay ng ipinagbabawal na gamot at plunder, na sinuspinde taong 2006.
Ikinunekta rin ni Duterte sa drug trade ang nangyaring Marawi siege, na tumagal nang ika-23 ng Mayo hanggang ika-27 Oktubre taong 2017.
"I am aware that we still have a long way to go in our fight against this social menace. Let the reason why I advocate the imposition of the death penalty for crimes related to illegal drugs," wika ni Duterte kahapon.
(Alam ko na malayo pa ang ating tatahakim para labanan ang salot na ito. Ito ang gawin nating tungtungan kung bakit ko hinihiling na maibalik ito sa mga krimeng kaugnay ng droga.
Pormal na naibasura ang capital punishment nang ipatupad ng Kongreso ang Republic Act 9346 noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Bagama't kritiko ng death penalty si Arroyo, kilala siyang kaalyado ni Duterte.
Reaksyon ng mga mambabatas
Iba-iba naman ang naging pananaw dito ng mga senador at kinatawan ng Kamara.
Ayon kay Sen. Imee Marcos, dapat daw muna ay maiklaro muna ang mga krimen kung saan ito maaaring ipataw.
"Yes, like I've mentioned, we need a very narrow definition of heinous crimes. But perhaps it's time to look at it again," sabi niya sa ambush interview pagkatapos ng SONA.
(Oo, tulad nga ng sinasabi ko, kailangan natin ng mas makitid na pagpapakahulugan sa karumal-dumal na krimen. Pero tingin ko panahon na para muli itong masilip.)
Para naman kay Sen. Koko Pimentel, mas hihirap daw na lumusot ang death penalty sa Kongreso kung maraming krimen na pwedeng patawan nito.
"Sa proponents ng death penalty, this is all I can say: As soon as you expand the coverage to more than one heinous crime, then you will have a more uphill climb," wika ni Pimentel.
(Sa mga nagsusulong nito, ito lang ang masasabi ko. Oras na ipataw 'yan sa maraming krimen, mas mahirap maipasa 'yan.)
Pabor naman si Ombudsman Samuel Martires dito ngunit sana raw ay mapanuod ito ng lahat upang "kilabutan" ang publiko.
"Ang mahirap lang kasi sa plunder, mahirap patunayan," dagdag niya.
Pero hindi naman lahat ay pabor sa nais ng presidente.
Ilan sa mga tumutol dito ay sina Sen. Dick Gordon at Kabataan party-list Rep. Sarah Elago.
Ayon kay Gordon, kontra-mahirap daw ito at hindi na mababawi oras na magkamali ang hatol.
Hindi pa rin daw napatutunayan daw napatutunayan na napipigil nito ang krimen sa mga bansang meron nito.
"[B]akit, nagbago ba ang Amerika? Sila ang pinakamaraming death penalty, hindi naman nagbabago," wika ni Gordon.
"Mas mahirap pa nga 'yung kulong eh. Mas malaking parusa 'yon. Pati ang pamilya mo, maghihirap. That's a double incentive na huwag kang gumawa ng masama."
Hindi sa 'street pusher'
Samantala, sinabi naman ng PNP na hindi nila nais na mapatawan ng death penalty ang lahat ng makukulong dahil sa iligal na droga.
"Actually ito 'yung talagang heinous. Hindi naman 'yung street pushing ito," paliwanag ni Albayalde kanina.
"Ito yung mga big time. Depende sa appreciation ng Congress 'yan kung ilang kilo ang makuha, marecover sa isang tao para siya ay ma-cover ng death penalty."
Nagsumite na rin daw ang PNP ng kanilang posisyon noon sa panukala, ngunit maghahain uli nito oras na hingian ng kumento at rekomendasyon ng Kongreso.
International treaty lalabagin ng reimposition
Sa kabila ng panawagan ng pangulo, may lalabagin na international pact sa United Nations ang Pilipinas oras na ibalik ang death penalty sa bansa.
Kabilang kasi ang Pilipinas sa mga nagratipika ng "Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights aiming to the abolition of the death penalty."
Pormal itong niratipikahan noong ika-20 ng Nobyembre taong 2007.
Ginagarantiyahan ng kasunduan na walang mabibitay sa loob ng jurisdiction ng bansa.
Gayunpaman, nangyayari ang panawagan ni Duterte sa gitna ng kiskisan ng kanyang administrasyon sa UN Human Rights Council. — may mga ulat mula kay Gaea Cabico at Ian Nicolas Cigaral
- Latest