MANILA, Philippines — Tumaas sa 45 porsiyento o 11.1 milyon ang bilang ng pamilyang Filipino na ikinokonsidera ang sarili na sila ay mahirap base sa survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS).
Tumaas ng pitong puntos ang “Self-Rated Poor (SRP) families kumpara sa resulta ng survey noong Marso 2019 na 38 porsiyento o 9.5 milyon na itinuturing na record-low.
Mas tumaas din ang bilang ng “Self-Rated Food Poor (SRFP) families na umabot sa 35 porsiyento o 8.5 milyong pamilya na nagsabing ang kanilang pagkain ay “mahirap” o “poor.”
Katulad ng SRP percentage, ang pagtaas ng bilang ng SRFP families ay lumabas matapos ang siyam na porsiyentong pagbaba sa nakaraang tatlong quarters. Bumaba ito mula 36 porsiyento noong Setyembre 2018, sa 34 porsiyento noong Disyembre at 27 porsiyento noong Marso 2019.
Ang SRP at ang SRFP ay kapuna-punang tumaas sa Mindanao mula sa record-low na 37 porsiyento noong Marso sa 56 porsiyento noong Hunyo at record-low na 27 porsiyento noong Marso sa 47 porsiyento noong Hunyo 2019.
Ang survey ay isinagawa noong Hunyo 22-26, 2019.
Lumabas naman na nasa 28.7 porsiyento o 7.1 milyon ang kahit kailan ay hindi ikinonsidera ang kanilang pamilya na mahirap at nabibilang sa “always non-poor.”