DOTr sa LTFRB: Hatchback na kotse payagang maging TNVS

Hinaharangan ito ng LTFRB sa ngayon sa gitna ng mga kwestyon sa kaligtasan nito.
File

MANILA, Philippines — Inutusan ng Department of Transportation ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na tuluyan nang hayaan ang pamamasada ng mga "hatchback" na sasakyan bilang transport network vehicle service.

Hindi kasi pinapayagan ng LTFRB ang mga naturang kotse kahit na pinahihintulutan na dapat sa kanilang ng Memorandum Circular 2018-005.

"Implement the existing MC until such time that the same is modified and/or amended," ayon sa pahayag ni Transport Secretary Arthur Tugade Huwebes.

(Ipatupad na muna ang MC hanggang baguhin o amyendahan ito.)

"Kung kailangang baguhin ang ilang dokumento, baguhin. Kung kailangang i-improve, dapat i-improve."

Tumutukoy ang hatchback sa mga kotseng paangat ang bukas ng likurang pinto. Kadalasang naghahati sa espasyo ang pasahero at bagahe nito.

Papayagan sana ang mga nasabing sasakyan na mag-operate hanggang 2021 sa loob ng Metro Manila kung tuluyang nasunod ang memorandum.

Sinegundahan naman ni DOTr Undersecretary Mark de Leon ang sinabi ni Tugade.

"In bigger metropolitan areas like London and Tokyo, hatchbacks are allowed to operate as public transport. If first world countries and cities allow it, why can’t we?" dagdag ni De Leon.

(Sa mga malalaking lungsod tulad ng London at Tokyo, hinahayaan itong gamitin bilang public transport. Kung pwede 'yan sa first world, bakit dito hindi?)

Bukod pa rito, mas tipid daw ito sa gasolina at mas maigi sa kalikasan.

Hinaharangan ito ng LTFRB sa ngayon sa gitna ng mga kwestyon sa kaligtasan.

Matatandaang sinabi ng Grab Philippines, isa sa mga prominenteng TNVS sa bansa, na nais nilang makipagtulungan sa LTFRB at DOTr para mapatunayan ang kaligtasan ng mga hatchback.

"We want to do further studies... to show that there are hatchbacks that can comply with the safety standards of TNVS," ayon kay Nicka Hosaka, tagapagsalita ng Grab.

(Gusto naming magsagawa ng mga karagdagang pag-aaral... upang mapatunayang may hatchback na makasusunod sa mga pamantayan ng TNVS.

Ika-8 ng Hulyo nang mag-offline ang libu-libong TNVS drivers at operators bilang protesta sa ginagawang pagharang ng LTFRB.

Show comments