MANILA, Philippines — Daan-daang libong trabaho ang nalagas sa sektor ng agrikultura noong 2018 mula noong 2017, ayon sa taya ng isang propesor ng Unibersidad ng Pilipinas — Diliman.
Sa forum na pinamagatang "Mga Pahayag at Sabi-Sabi sa SONA 2019" kahapon, inilahad ni UP School of Economics Prof. Emmanuel de Dios kung paanong tila nababawasan pa lalo ang nagbubungkal ng lupa upang mabuhay sa bansa.
"It's a loss of about a 200,000 jobs in agriculture," paglalahad ni De Dios.
(Nangangahulugan 'yan ng 200,000 trabahong nawala sa agrikultura.)
Nakuha niya raw ito sa pagkwenta ng mga aktwal na trabahong nalikha at nawala nitong mga nagdaang panahon.
"Now is that a good thing or a bad thing? I think it's ambigous. It's a good thing in a sense that, maybe agriculture is not as income-producing for a lot people. This is the reason that they go to construction," dagdag ni De Dios.
(Ngayon, mabuti ba ito o hindi? Hindi ito maliwanag. Okey siya siguro dahil baka hindi malaki ang kita sa agrikultura para sa mga tao. Kaya siguro lumilipat sila sa construction.)
Nangyayari ito sa gitna ng ipinagmamalaki ng Department of Finance na naabot ng gobyerno ang pinakamababang unemployment sa loob ng 40 taon.
Hulyo taong 2017 nang ibabala ni Samar Rep. Edgar Sarmiento ang diumano'y 1% pagbaba ng mga nagtratrabaho sa agrikultura taun-taon.
Una nang naibalita ng IBON Foundation nitong Enero na 81,000 lang ang average annual job creation sa Pilipinas para sa taong 2017 at 2018, na pinakamababa raw mula noong administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Kita sa pagsasaka
Kung titignan ang July 2019 summary ng regional daily minimum wage rates sa bansa, kapansin-pansin na mas mababa ang minimum wage ng mga nagtratrabaho sa agrikultura kumpara sa mga 'di agrikultural na manggagawa.
Sa ulat ng The STAR ngayong Hulyo, sinasabing nasa P17.85 kada kilo ang average farm gate price ng palay, na 17% pagbaba mula sa P21.38 kada kilo bago maipatupad ang rice tariffication law noong 2018.
Tinutukoy ng farm gate price ang presyong binabayaran direkta sa mga producer, o mga magsasaka, sa tuwing bibili ng ani sa kanila.
Ayon sa datos ng gobyerno, 8.94% lang ang naiambag ng agrikultura sa gross domestic product noong 2018, kahit na binubuo raw nito ang 20% ng kabuuang labor force.
Target ng Department of Agriculture na tuluyan nang tanggalin ang mga subsidyo sa pagsasaka pagdating ng 2021, ayon kay Secretary Emmanuel Piñol.
Saan sila napupunta?
Sa kabila ng pagbagsak ng mga nagtratrabaho sa agrikultura, tumaas naman daw ito sa konstruksyon: "That's about 250,000 new jobs, from one year to the next."
(Nasa 250,000 bagong trabaho 'yan, sa loob ng isang taon.)
Iniugnay niya ito sa isinusulong na Build, Build, Build program ng gobyerno, maliban sa mga insentibong ibinibigay daw sa pribadong sektor na pumasok sa proyektong imprastruktura.
Sa ngayon, ito raw ang pinakamaraming nalilikhang trabaho kasunod ng public administration.
Kung ibabatay daw sa mga kwento-kwento sa mga taga-probinsya, kapansin-pansin daw na lumilipat sa construction ang mga dating nagsasaka.
Gayunpaman, kwinestyon naman ni De Dios kung nakabubuti ba ito talaga kung usapin ng ekonomiya ang titignan.
"In the course of industrialization, one really moves out of agriculture. But the point here is that, have we made agriculture artificially unproductive so that it does not absorb a lot of labor?"
(Sa paglaon ng industrialisasyon, talagang lumalayo ang diin ng bansa sa agrikultura. Pero ang punto, sinadya ba nating hindi produktibo ang agrikultura para hindi ito mag-empleyo ng maraming trabahador?)