MANILA, Philippines — Tinatayang P12 milyon halaga ng smuggled na bigas ang nasabat ng Philippine Navy sa karagatan ng Basilan.
Base sa Philippine Navy-Naval Forces Western Mindanao (NAVFORWEM), naharang ang mga smuggled na bigas sa karagatan ng Lampinigan island sa Basilan habang sakay ng M/L Jehan noong Biyernes.
Ayon kay Rear Admiral Erick Kagaoan, commander ng Navforwem, patungo umano ang nasabing barko sa Zamboanga City na mula naman sa Labuan, Malaysia at may sakay na 10 crew.
Sinabi pa ni Kagaoan, tinatayang may 10,000 sako ng smuggled rice na umano’y nagkakahalaga ng P12 milyon at walang mga kaukulang importation documents.
Kaagad namang ineskortan ang nasabing barko sa Ensign Majini Pier, Naval station Romulo Espaldon sa Bagong Calarian, Zamboanga City para imbestigahan bago tuluyang i-turn over sa Bureau of Customs (BOC).
Ang pagkakaharang umano sa rice smuggling ay resulta ng pinaigting na pagpapatrulya ng Philippine Navy sa mga karagatan bilang suporta na rin sa operasyon ng Western Mindanao Command o Westmincom.