MANILA, Philippines — Umapela si Agham party list Rep. Angelo Palmones sa DTI at DILG na siguruhin na ang mga matataas na gusali at mga istraktura sa bansa ay matibay at hindi madaling guguho sa sandaling magkaroon ng malakas na lindol.
Ang panawagan ni Palmones ay kasunod ng 5.6 lindol sa Cotabato noong Martes ng gabi na sinundan pa ng may 100 malalakas na aftershocks kinabukasan na naramdaman din sa Bukidnon, Cagayan de Oro at sa Toril Davao na umabot sa intensity 2.
Nabatid umano ni Palmones, na ang malalaking steel manufaturers ay pinapalitan ang micro-alloyed (MA) steel rebars ng quenched tempered (QT) steel na ginagamit sa pagtatayo ng daan-daang mataas na istraktura ng hindi alam ng contractors, developers at mga nasa industriya ng construction.
Dahi dito nalalagay umano sa kompromiso ang mga istraktura sa bansa at nalalagay din sa alanganin ang buhay ng libu-libong Filipino.
Anya, ang substandard construction materials, partikular na ang reinforcement bars (rebars) ay hindi kayang tumayo sa magnitude 7.2 magnitude na lindol.
Duda ni Palmones, may sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno partikular na sa DTI at Bureau of Product Standard (BPS) para mapagtakpan ang nakaambang kapahamakan ng rebars na gawa sa QT process.