Lindol sa Surigao, 51 katao sugatan
MANILA, Philippines — Niyanig ng 5.8 magnitude na lindol ang Surigao del Sur kahapon na ikinasugat ng 51 katao at ikinasira ng ilang tahanan at mga establisimyento sa lugar.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong alas-4:42 ng madaling araw nang tumama ang tectonic na pagyanig, may limang kilometro sa timog-silangan ng bayan ng Carrascal, habang ang epicenter nito ay naitala sa northwest ng bayan ng Cortes.
Naramdaman ang pagyanig sa Carrascal, Butuan City, ilang bahagi ng Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Sur, Misamis Oriental, Cagayan de Oro City, at Camiguin.
Sa Carmen, Surigao del Sur bumagsak ang bubungan ng isang palengke, habang nagbagsakan din ang bubong na yero ng St. Vincent Ferrer Parish.
Sa Madrid, ilang residente ang napilitang magtakbuhan palabas ng kanilang tahanan matapos na magkaroon ng mga pinsala ang kanilang mga tahanan.
Ang mga pasyente mula sa Madrid District Hospital ay inilikas, matapos na magkaroon ng crack ang mga pader ng pagamutan.
Bumagsak din umano ang bubong ng isang lumang car park sa naturang bayan, na nagdulot ng bahagyang pinsala sa tatlong sasakyang nakaparada doon, at dalawang truck ng bumbero.
Hindi rin naman nakaligtas ang mga tahanan sa apat pang kalapit na bayan, at napinsala rin maging ang presinto, isang hotel, isang gym, tulay, at maging ang civil defense office sa rehiyon.
Inaasahan naman ng Phivolcs na makapagtatala ng mga aftershocks matapos ang lindol, kaya’t pinayuhan ang mga residente na maging maingat at alerto.
- Latest