MANILA, Philippines — Paglilinisin ni Pangulong Duterte ng mga water lily sa ilog Pasig ang 64 kawani na tinanggal niya sa Bureau of Customs (BOC).
Kinumpirma ng Pangulo ang pagsibak sa 64 opisyal at empleyado ng Customs maliban kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa pagdiriwang ng Araw ng Pasasalamat para sa mga OFWs sa Camp Aguinaldo kamakalawa ng gabi.
Sinabi pa ng Pangulo na may nagpayo sa kanya na kung nais niyang maputol ang katiwalian sa BOC ay dapat tanggalin niya lahat.
“Ang iniwan ko si Jagger lang, ‘yung chief. Kasi… May nagbulong sa akin. ‘Gusto mo talagang maputol ang corruption, Mayor? Tanggalin mo lahat,” pahayag ng Pangulo.
Pinagre-report ng Pangulo ang 64 sa kanyang tanggapan sa Malacañang.
Hindi naman tiyak kung nagbibiro lamang ang Pangulo o talagang paglilinisin niya ng mga nakakalat na water lily sa Ilog Pasig ang mga tinanggal na kawani ng BOC.
“So tinanggal ko lahat. Sabi ko, “Tanggal kayong lahat.” Doon kayo mag-report sa Pasig. Doon sa opisina ko --- pinaka… Ang barge ko magpunta ako doon sa opisina sa Pasig, galing dito sa kabila, hindi na makalusot dahil sa water lily. ‘Yun ang ipatrabaho ko sa kanila para makalusot ako doon sa Malacañang,” pahayag ng Pangulo.