Kudeta sa speakership inilutang

Sa text message, sinabi ni Davao City Rep. Paolo Duterte na may bali-balitang isa sa tatlong aspirante ang balak mag-kudeta sa mismong araw ng paghalal ng susunod na Speaker.
Geremy Pintolo

MANILA, Philippines — Hindi pa tapos ang labanan sa speakership sa Kamara at posibleng magkaroon ng kudeta sa mismong araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa Hulyo 22.

Sa text message, sinabi ni Davao City Rep. Paolo Duterte na may bali-balitang isa sa tatlong aspirante ang balak mag-kudeta sa mismong araw ng paghalal ng susunod na Speaker.

Ito ay sa kabila ng pag-endorso ng kanyang ama na si Pangulong Duterte kay Taguig Rep. Alan Peter Ca­yetano bilang susunod na House Speaker at ka-term sharing nito si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco habang si Leyte Rep. Martin Romualdez ang magiging Majority Leader.

Ginawa ng nakababatang Duterte ang pahayag matapos tanungin kung interesado siyang maging chairman ng Committee on Legislative Franchise.

Ayon sa kongresista, hindi pa dapat pinag-uusapan ang mga komite dahil may eleksyon pa sa July 22 at dito siya mas interesado kung sino ang mananalo.

Nabatid naman na sa kabila ng pag-eendorso ng Pangulo kay Caye­tano, ilang partylist cong­ressmen ang nanga­ngalap pa ng pirma para suportahan ang “Duterte coalition” bet na si Davao Rep. Isidro Ungab.

Una nang sinabi ng Malacañang na bagama’t inendorso ng Pangulo si Cayetano ay nasa desisyon pa rin ito ng mga kongresista. (Rudy Andal)

Show comments