MANILA, Philippines — Nanindigan ang Ang Probinsyano party-list na hindi nila kukunsintihin ang anumang kaso ng pang-aabuso na ikinakabit sa kanilang kinatawan na nangyari nitong Lunes.
Inirereklamo ng panununtok ng waiter si Ang Probinsyano Rep. Alfred delos Santos habang kumakain sa sikat na fastfood chain sa Legazpi City, Albay ika-8 ng Hulyo.
Ayon sa police blotter, sinuntok ni Delos Santos si Christian Kent Ecleo, 20-anyos na empleyado ng Bigg's Diner, "kahit walang dahilan" bandang 3:40 a.m. ng madaling araw.
"Definitely we will not tolerate any kind of abuse in our party," sabi ni Joco Sabio, tagapagsalita ng Ang Probinsyano, sa ulat ng state-run news outfit na PTV News.
(Sigurado kami na kami namin kukunsintihin ang anumang pang-aabuso sa aming partido.)
Magsasagawa raw ng sarili nilang imbestigasyon ang grupo at hindi mangingiming magpataw ng parusa.
"We will not hesitate to suspend or even remove Congressman Delos Santos if we establish that this was an unprovoked attack," dagdag pa ni Sabio.
(Hindi kami magdadalawang isip na tanggalin si Congressman Delos Santos kung mapatunayan naming walang magandang dahilan sa kanyang pag-atake.)
Ipinaliwanag naman nila na hindi naman daw siya ang buong organisasyon kung kaya't hindi raw sinasalamin ng kanyang mga aksyon ang grupo.
Paliwanag naman ni Delos Santos, nagawa niya ito matapos makarinig ng pagmura mula kay Ecleo noong pinagsisilbihan sila.
"Noong paglagay niya ng placemat... sabi ko naman, 'Paki-ayos naman.' Inilagay niya, tapos pagtalikod niya may narinig lang akong hindi kagandahan," wika ni Delos Santos sa panayam ng DZMM.
Humingi naman siya ng patawad sa kanyang nagawa lalo na't uminit daw ang kanyang ulo.
"Kahit na ano pong nangyari, alam ko po ['yung] mali ko. Ako po talaga'y, nawalan ako ng temper dito. Umaamin po ako na mali ko ito at humihingi po ako ng paumanhin kay CK, kay Christian Kent," sabi niya.
Pagkundena sa nangyari
Samantala, ikinagalit naman ni Legazpi Rep. Joey Salceda ang ginawa ng mambabatas.
"He must make the proportional amends — sorry is not enough," ani Salceda.
(Dapat niyang gumawa ng nararapat na danyos perwisyos — hindi sapat ang paumanhin.)
"Apid must humbly admit the wrong and sincerely apologise to the family, to the 760,000 who voted for Ang Probinsyano and to the public who trusted him."
(Kinakailangang tanggapin ni Apid na nagkamali siya at humingi ng tawad sa pamilya, sa 760,000 bumoto sa Ang Probinsyano at sa publikong nagtiwala sa kanya.)
Isa ang naturang grupo sa party-list na nanalo sa 2019 midterm elections at nakakuha ng dalawang seats sa Kamara.
Nakatulong sa pagkapanalo ng grupo ang pag-endorso ng mga bida sa Kapamilya serye na "Ang Probinsyano," kung saan isinama nila sa kampanya ang mga bida sa palabas na sina Coco Martin at Yassi Pressman.