MANILA, Philippines — Fabricated o gawa-gawa lamang umano ang anggulong entrapment operation na sinasabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa P1 bilyong halaga ng shabu na nakumpiska sa isang warehouse sa Malabon kamakailan.
Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, pinabulaanan ni Atty. Erastus Sandino Austria, dating tagapagsalita ng Bureau of Customs at District Collector ng Manila International Container Port (MICP), ang pahayag ng PDEA na pinayagan nito ang public auction sa mga ilegal na droga bilang bahagi ng kanilang controlled delivery operation upang mahikayat ang mga miyembro ng sindikato ng droga na lumabas at makilahok sa bidding.
“Hindi po totoo yun. Hindi totoo na controlled delivery,” ani Austria.
Matatandaang 146 kilo ng shabu ang narekober sa Goldwin Commercial Warehouse sa Malabon noong Mayo.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ang naturang ilegal na droga ay mula sa Golden Triangle Syndicate.
Itinago ang ilegal na droga sa mga bag ng tapioca starch at sinasabing namonitor ng mga awtoridad ngunit sa halip na kumpiskahin ay ipina-auction anila ito upang mahuli ang mga miyembro ng sindikato.
Ayon naman kay Austria, ang naturang controlled delivery ay pakana lamang ng PDEA at BOC upang pagtakpan ang katotohanan na bigo silang masabat ang kargamento.
“Obviously, P1 billion worth of shabu that passed undetected by both the BOC and the PDEA would be scandalous. The two agencies thus issued aligned statements claiming they new about the drugs all along,” aniya.
Aniya, tumutol siya sa pag-i-isyu ng pahayag upang suportahan ang press release ng PDEA na ang droga ay bahagi ng controlled delivery operation, dahil ang shipment ay na-clear matapos ang masusing eksaminasyon gaya ng physical exam ng BOC at laboratory test ng PDEA.
Ipinaalala pa niya kay Customs Commissioner Rey Guerrero na ang tapioca shipment ay fully cleared rin ng BOC.
Nanindigan naman si Austria na ang naturang ‘sham sting operation’ ay hindi lamang unethical kundi criminal in nature rin.
Itinanggi rin naman niya na siya ang source ni Sen. Panfilo Lacson nang magpahayag ito ng hinala sa auction.
“I can honestly tell you I did not reveal this information to Sen. Lacson,” aniya pa.
Si Austria ay kasalukuyan nang nakatalaga sa Port of Davao bilang district collector.