Mayor Isko nakatapak ng tae malapit sa city hall, precinct commander ipinasisibak
MANILA, Philippines — Ipinare-relieve sa pwesto ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang Police Community Precinct commander ng Lawton matapos raw gawing banyo ang monumentong nasa labas ng opisina ng alkalde.
Nagulat na lang daw si Isko nang magdagsaan ang tae habang iniinspeksyon ang Andres Bonifacio monument ngayong umaga.
"That is the office of the mayor, the seat of power of the City of Manila. Tapos eto, amoy tae rito. Nagkalat," sabi ng actor-turned-mayor.
"Oh, eto, sariwa pa oh. 'Pag inaalat ka nga naman ano."
'Naging pinakamalaking banyo itong kartilya ng Katipunan'
— The Philippine Star (@PhilippineStar) July 10, 2019
WATCH: Manila Mayor Isko Moreno expresses dismay after seeing scattered human waste around the Andres Bonifacio Shrine in Lawton, during his inspection on Wednesday. | Video by Edd Gumban/The Philippine STAR pic.twitter.com/gsL2gJXNhR
Ayon kay Julius Leonen, hepe ng Manila Public Information Office, isa ang mayor sa mga minalas na nakatapak ng dumi.
"Bakit daw po ginawang banyo ang monument," ani Leonen.
Inirerekomenda na raw ng mayor kay Manila Police District chief Vicente Danao na masibak sa pwesto si Police Lt. Rowel Robles na PCP ng Lawton.
Daing ni Isko, napakalapit lang ng lugar sa mismong opisina ng alkalde: "How could we govern? Oh, opisina ng mayor, mga singkwentang hakbang lang," dagdag niya.
Nagsagawa rin ng clearing operations ang lokal na gobyerno ng Maynila ngayong Miyerkules, dahilan para magpulasan ang mga vendor sa lugar.
Kadamay umaray sa pagpapaalis ng manininda
Kaugnay ng mga operasyon nina Domagoso, nababahala naman daw ang Metro Manila chapter ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap dahil sa "pagkawala at atake sa kabuhayan ng daan-daang manininda na apektado ng clearing operation."
"Nababahala ang Kadamay Metro Manila sa maaaring maidulot nito sa mga pamilya ng mga manininda at sa tuluyang pagkawala ng kanilang ikinabubuhay," wika ng Kadamay sa isang pahayag.
Sana raw ay huwag basta ipinta ang mahihirap bilang mga nakadudumi sa kalunsuran.
Ang mga ganitong pagtingin daw kasi sa maralita ay pagtatakip sa usapin ng inhustisiya at kabulukan ng sistemang umiiral.
"Kinukundina ng Kadamay Metro Manila ang kawalan pa rin ng kongkretong proyektong aagapay sa mga mahihirap na manininda na maaaring magpataas ng estado ng kanilang ikinabubuhay at makapagbigay ng mga insentibong makakatulong upang umunlad mula sa karukhaan," dagdag nila.
Paliwanag pa ng grupo, idinudulot daw ng malabnaw, kulang at hindi tamang solusyon sa pagsugpo sa kahirapan ang panggigipit sa mga manininda.
"Nananatiling iginigiit ng Kadamay Metro Manila ang panawagan sa makatarungan at nakabubuhay na sahod, kasiguraduhan sa kabuhayan, at katiyakan sa paninirahan," kanilang sabi.
Hinamon din ng mga militanteng maralita ang mga opisyales at lingkod bayan na lumikha ng mga oportunidad na susuporta sa ikinabubuhay ng mga maralita. — may mga ulat ni Edd Gumban
- Latest