MANILA, Philippines — Ipinagpauna na ng Malacañang sa publiko na posibleng mahaba ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa July 22.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na gusto ni Pangulong Duterte na mag-lecture lalo na sa mga kritiko ng administrasyon sa nilalaman ng konstitusyon.
Ito ay sa harap ng patuloy na pagbanat ng mga kritiko sa Pangulo dahil sa pagpayag nitong makapangisda sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ang China.
Ayon kay Panelo, hindi raw nauunawaan ng mga kritiko ang gustong ipaliwanag ng Pangulo hinggil sa independent foreign policy ng administrasyon partikukar sa pakikitungo sa China.
Tinawag ni Panelo ang mga kritiko ng Pangulo bilang mga sutil kabilang dito sina dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, dating Ombudsman Conchita Carpio Morales at Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na gustong ipain ang Pangulo sa China.
Inihayag ni Panelo na dinadaan na lamang ng Pangulo sa pang-aasar sa mga kritiko nito ang pagtugon sa sitwasyon sa pamamagitan ng pagsasabing magsama-sama silang sumakay sa barko ng Amerika at silang unang pumukol o bumomba sa China.
Sa nakalipas na 2018 SONA ni Pangulong Duterte tumagal lamang ito ng 48 hanggang 50 minuto, ang 2017 SONA ay tumagal ng dalawang oras, habang ang kauna-unahang SONA nito noong 2016 ay tumagal ng isa at kalahating oras.