Grupo: Mga naulila ng EJK 'susuporta sa impeachment ni Duterte'
MANILA, Philippines — Malaki ang tiwala ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura na susuportahan ng pamilyang nabiktima ng extrajudicial killings ang pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kapabayaan niya sa pagpapatupad ng mga batas sangkot ang mga karapatan ng mga Pilipino.
Maghahain kasi ng impeachment complaint ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya, isang grupo ng mga mangingisda, laban kay Duterte kaugnay ng diumano'y kabiguan niyang protektahan ang West Philippine Sea at kanyang pagpayag na mangisda ang mga Tsino sa exclusive economic zone ng bansa.
"213 magsasaka na ang pinatay sa ilalim ng rehimen, at hindi magkakaroon ng katarungan hangga't nasa poder si Duterte, na siyang nag-utos ng mga pagpaslang," ani Casilao sa Ingles.
Giit ng grupo, lumalabag ang administrasyong Duterte sa mga lokal at internasyonal na batas sa gitna ng walang habas na pagpaslang sa mga magsasaka at militanteng aktibista.
Binibitiwan daw ng gobyerno ang mandato nito na protektahan ang karapatang pantao, na siyang nakasaad sa Article III at Article XIII (partikukal sa "social justice and human rights") ng 1987 Constitution.
Tinitignan din nila bilang "crime against humanity" ang ginagawa ng pamahalaan, na siyang paglabag daw sa Article 7 ng Rome Statute sa International Criminal Court.
Gayunpaman, kumalas na ang Pilipinas sa ICC nitong Marso.
“Bumase man sa lokal o internasyonal na mga batas, ipinagmamalaki pa ng rehimeng ito na nilalabag nila ang mga batayang karapatang pantao na makikita sa kawalang kakayahan nitong sundin ang due process,” dagdag ni Casilao.
“Ang kapabayaan at paghamak niya sa karapatang pantao bilang haligi ng demokrasya ay sapat nang rason upang patalsikin si Duterte.”
Palasyo: Walang batayan ang paratang
Kamakailan lamang, inilahad sa ulat ng Amnesty International na nakasentro ang laban kontra iligal na droga sa Bulacan, na kumitil na raw ng 827 buhay mula Hulyo 2016 hanggang Pebrero 2019.
Mariing ikinaila ito ng tagapagsalita ng pangulo na si Salvador Panelo, na sinabing walang tamang basehan ang panawagan ng grupo para mangailangan ng imbestigasyon.
“Hindi na nagbago itong Amnesty International… Paulit-ulit silang nananawagan ng imbestigasyon noon pa, pero ito ang totoo – mali-mali ang mga batayan nila,” sabi ni Panelo sa isang ulat ng The STAR.
Hinamon rin ni Panelo na mismong ang mga organisasyon sa Pilipinas ang tumulong sa mga taong tingin nila’y naabuso sa gitna ng laban kontra iligal na droga.
“Mas gugustuhin na namin yung lokal na grupong bantay sa karapatang pantao na tulungan yung sa tingin nila’y naabuso sa kalagitnaan ng mga police operations,” dagdag niya.
'Isang sintomas'
Sagot naman ni Carlos Conde mula sa Human Rights Watch, sintomas pa rin ng pumapalyang sistemang panghustiya ang mga napaslang sa gitna ng laban kontra iligal na droga, gaano man kalaki ang bilang.
Ang Human Rights Watch ay isang organisasyong nag-iimbestiga ng mga paglabag sa mga karapatang pantao. Kasama rito ang pagsusulong ng hustisya sa mga pandaigdigang korte.
“Katawa-tawa kung sasabihing gumagana ang sistema kung may 6,000 hanggang 27,000 na napaslang mula 2016. Ang pumapalyang sistema ng hustisya ang mismong rason kung bakit nagpapatuloy ang ganitong mga pangyayari,” ani ni Conde sa isang panayam sa “Early Edition” ng ANC.
“Walang magawa ang mga human rights groups kundi magpunta sa international community at humingi ng pananagutan kasi hindi maasahan ang gobyernong ito — na mismong may pakana ng malawakan at malakihang pagpatay ng mga Pilipino. 'Di nito pwedeng imbestigahan ang sarili,” dagdag niya. — Philstar.com intern Blanch Marie Ancla
- Latest