MANILA, Philippines — Sinadya raw ng Pangulong Rodrigo Duterte na manghimasok sa pagpili ng Kamara ng magiging speaker upang dumali ang pagbabago ng konstitusyon — 'yan ang posisyon ngayon ng ilang grupo sa pag-endorso ng presidente sa dalawang tumatakbo sa posisyon.
Inanunsyo kagabi ni Duterte ang kanyang suporta sa iskemang "term-sharing" nina Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang speaker ng kahit nauna na niyang sinabi na hindi siya makikialam.
Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes Jr., ibinibigay lang daw ng pangulo ang nais nina Cayetano at Velasco para "magkautang na loob sa kanya" at mapasunod sa kanyang mga nais.
"Sa kanyang pagpili ng susunod na speaker, sinisiguro niya na papasa sa Kamara ang charter change," ani Reyes sa Ingles.
"Dadalhin nila sa pilak na platito ang Cha-cha kay Duterte."
Kagabi, inudyok ni Duterte ang kanilang mga kaalyado na mag-"double time" na para gumulong ang Cha-cha ngayong 18th Congress.
"Dapat nating palitan ang Saligang Batas, may pederalismo man o wala," wika ni Digong.
Dati nang isinusulong ni Duterte ang Cha-cha kalakip ng pederalismo, ngunit binitawan na ito kinalaunan.
Mangilang-beses na ring sinabi ni Duterte na payag siyang amyendahan ang 1987 Constitution upang mabuwag ang 60-40 provision ng Saligang Batas nang mahayaang magmay-ari ng public utilities ang mga banyaga.
Sa Article XII kasi ng nito, kinakailangang pagmamay-ari ng mga Pilipino ang 60% pataas ng mga korporasyon at public utilities sa bansa.
"Tungkol sa konstitusyon, handa akong baliktarin ang 60-40. Basta't handa ang Kongreso, susunod lang ako," sabi niya sa Wallace Business Forum noon sa Malacañan.
Mayo taong 2016 din nang sinabi ni Duterte sa isang media interview na pabor siyang baguhin ang konstitusyon para maging "kumportable" ang mga foreign investors sa Pilipino.
Term extension?
Bukod sa Cha-cha, sinabi naman ng Bayan Muna party-list na posibleng magbigay daan din ito sa pagpapalawig ng termino ng presidente.
"Kung titignan natin ang iminumungkahing agenda sa susunod na Kongreso, nandiyan uli ang charter change, term extension at panibagong TRAIN law," banggit ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, na tumatakbo rin bilang speaker of the House.
"Talo na naman ang mga Pilipino."
Tila sinegundahan naman ito ni Reyes: "Simple lang naman ang dahilan ng pag-epal ni Duterte — para mapanatili ang sarili."
Lubha rin daw maaapektuhan ng konsolidasyon ng lower House ang independence ng lehislatura sa ehekutibo.
Paliwanag naman ni Duterte, hindi "interference" ang kanyang ginagawa ngunit "sadyang pulitika" lang.
"Hindi ako nanghihimasok sa trabaho ng lehislatura. Mga pinuno lang itong pinag-uusapan natin. Wala itong kinalaman sa kanilang independence bilang legislative body. Hanggang doon, pulitika lang lahat," sabi niya.
'Biyakan' sa loob ng Kamara
Bagama't nakakuha ng supermajority sa House of Representatives ang pangulo, inaasahan naman ng Kaliwa na pwedeng palalain daw nito ang pagkawatak-watak ng kanyang alyansa.
"Sa kabila ng suwestyong term-sharing, malaki ang posibilidad na maglaban-laban pa rin ang kanyang mga political at economic backers lalo na't papalapit na ang 2022 presidential elections," dagdag ni Zarate.
"Kitang-kita na ang mga bitak sa dating supermajority coalition."
Maliban kina Velasco at Cayetano, sinusuportahan naman ngayon nina Davao Rep. Paolo Duterte at Davao City mayor Sara Duterte-Carpio — mga anak ng pangulo — ang speakership bid ni Davao Rep. Isidro Ungab.
Una nang nagparinig si Paolo na nais niyang tumakbo sa pagiging speaker, ngunit umatras na.
Tinawag naman ni Reyes na "double-edged" ang panghihimasok ng pangulo, at wala rin daw kasiguraduhan na masusunod ang term-sharing.
Hindi rin daw malayo na tumindi pa ang kontradiksyon sa iba't ibang paksyon. — may mga ulat mula sa News5