Duterte in-endorso ang 'term-sharing' nina Cayetano, Velasco bilang speaker

Ito ang desisyon ni Digong ngayong gabi bagama't dati na niyang sinabi na hindi siya makikialam sa pagpili ng House speaker.
File

MANILA, Philippines — Itinutulak ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang susunod na speaker ng Kamara sina Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Inanunsyo niya ito Lunes ng gabi habang pinangangasiwaan ang panunumpa ng mga bagong talagang opisyal ng gobyerno sa Malacañan Palace.

"I think it’s about time I talk. So your speaker will be Alan Peter Cayetano. Ang sharing dito is he shares the term with Lord Velasco," sabi ng pangulo.

(Tingin ko'y panahon na para magsalita ako. Si Alan Peter Cayetano ang magiging susunod niyong speaker. Ang sharing dito ay maghahati sila ng termino ni Lord Velasco.)

Tinukoy naman niya si Leyte Rep. Martin Romualdez, na pamangkin ni dating First Lady Imelda Marcos, bilang susunod na majority floor leader.

Ito ang desisyon ni Digong ngayong gabi bagama't dati na niyang sinabi na hindi siya makikialam sa pagpili ng House speaker.

Una nang sinabi ng PDP-Laban, na partido ni Duterte, na magiging pambato nila si Velasco sa posisyon.

Tumakbo naman si Cayetano bilang bise presidente ni Duterte taong 2016 ngunit 'di pinalad.

"It’s Cayetano as the speaker in the first 15 months, then the next 21 months, the Speaker will be Lord Allan Velasco, with Martin Romualdez as the Majority Floor Leader," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa hiwalay na pahayag.

(Si Cayetano ang magiging speaker sa unang 15 buwan, tapos si Lord Allan Velasco naman sa susunod na 21 buwan, habang si Martin Romualdez ang magiging majority floor leader.)

Bagama't inihahalal ng mga kapwa kinatawan sa House of Representatives ang speaker ay nakakuha naman ng "supermajority" ang administrasyon, dahilan para maging mas madulas ang pagsang-ayon ng Kamara sa mga nais ng presidente.

Ang speaker ang papalit sa presidente oras na hindi magampanan ng bise presidente at Senate president ang kanilang tungkulin na humalili.

Show comments