Passport ‘wag gawing kolateral sa utang
DFA sa OFWs
MANILA, Philippines — Pinagsabihan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga overseas Filipino workers na maituturing na government property ang Philippine passports na iginagawad sa kanila kaya hindi maaaring gamitin na kolateral sa anumang loan.
Ito’y makaraang mamonitor ng DFA ang pagkakakumpiska ng mga pulis sa Hong Kong ng nasa 1,400 Philippine passports mula sa isang lending company na Overseas First Credit.
Nabatid na ginagawa umanong collateral ng ilang manggagawang Pilipino roon ang kanilang passports para makakuha ng loans.
Mahigpit na ipinagbabawal na gamitin ang pasaporte bilang kolateral sa ilalim ng Foreign Service Circular No. 2014-99.
Kung mapapatunayang nagkasala, kakanselahin ng DFA ang pasaporte ng sinumang OFW o turistang Pinoy.
Nabatid na nai-turn-over na ang 900 sa mga nakumpiskang pasaporte sa Philippine Consulate office sa Hong Kong.
Papayagan naman ang mga OFW na muling mag-apply ng panibagong pasaporte ngunit kailangan na magpasa sila ng affidavit na nagsasabing ang luma nilang passport ay ginamit nilang pang-collateral upang makapag-loan.
Mailalagay din sila sa watchlist ng DFA bilang resulta ng kanilang aksyon.
- Latest