‘Injectable skin whitening’ delikado
Babala ng FDA
MANILA, Philippines — Nagpalabas ng alarma ang Food and Drugs Administration (FDA) laban sa pagkalat ng mga gamot na iniineksyon at nagpapaputi umano ng balat na hindi inaaprubahan ng ahensya para maibenta sa merkado dahil sa posibleng masamang idudulot sa kalusugan.
Sinabi ng FDA na may “toxic side effects” ang paggamit ng naturang mga produkto sa atay, kidney, at maging sa “nervous system” ng tao. Maaari ring magkaroon ng “Stevens-Johnson Syndrome”, isang seryosong kundisyon sa balat.
“The FDA has not approved any injectable products for skin lightening,” ayon sa FDA. “Injectable glutathione is approved by FDA Philippines as an adjunct treatment in cisplatin chemotherapy,” dagdag pa nito.
Nakakabahala umano na maraming mga negosyante ang nag-aalok ng “intravenous drip o infusion” na may sangkap ng glutathione, vitamin C at iba pang kemikal na pampaputi umano.
Iginiit ng ahensya na wala pang nalalathala na “clinical trials” na nagbeberepika sa pagiging epektibo at ligtas sa kalusugan ng mga naturang gamot at wala ring pamantayan sa dami ng tamang “dosage” nito.
Nanawagan ang FDA sa publiko na kumonsulta lamang sa mga dermatologists na sertipikado nila ukol sa kondisyon ng kanilang mga balat.
Nagbabala rin ito sa mga konsyumer laban sa pagbili ng mga “injectable” na produkto sa pamamagitan ng online shopping.
- Latest