‘Duterte Coalition’ binuo sa Kamara

Pinangunahan ang “Duterte Coalition” nina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ng Hugpong sa Tawong Lungsod, Davao 3rd District Rep. Isidro Ungab ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) kasama sina Vincent Garcia na pawang mga taga Davao; Corazon Malanyaon (Davao del Norte), Manuel Zamora (Compostela Valley), Lorna Bautista (Davao Occidental), Claudine Bautista (Damper party­list), Sandro Gonzales at Anton Lopez (Marino partylist).
KJ Rosales

MANILA, Philippines — Sa gitna ng isyu sa agawan sa speakership ngayong 18th Congress, nagsanib ang dala­wang lokal na partido ng mga anak ni Pangulong Du­terte para magtatag ng sariling koalisyon na layong pagkaisahin ang House of Representatives.

Pinangunahan ang “Duterte Coalition” nina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ng Hugpong sa Tawong Lungsod, Davao 3rd District Rep. Isidro Ungab ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) kasama sina Vincent Garcia na pawang mga taga Davao; Corazon Malanyaon (Davao del Norte), Manuel Zamora (Compostela Valley), Lorna Bautista (Davao Occidental), Claudine Bautista (Damper party­list), Sandro Gonzales at Anton Lopez (Marino partylist).

Ang HNP ay itinatag ni Mayor Sara Duterte.

Sa isang pahayag, nanawagan ang grupo sa top contenders sa speakership na sina Reps. Martin Romualdez, Alan Peter Cayetano at Lord Allan Velasco na makiisa sa kanilang layunin na pagkaisahin ang Kamara para sa positibong pagbabago.

Dapat din umanong magsama-sama ang lahat para igiit ang independence ng Executive at Legislative branches ng gobyerno at para maisulong ang mga repormang kinakailangan para mapabuti ang buhay ng mamamayan.

Binuweltahan rin ng koalisyon ang ilang mi­yembro ng Gabinete na may kanya-kanyang pambato sa pagka-Spea­ker at iginiit na ang kanilang pagsisilbi ay base lamang sa tiwala at kumpiyansang ibinigay ng Pangulo kaya hindi dapat manghimasok sa pagpili ng House leader.

Ang Duterte Coalition ay binuo ilang araw matapos magbago ng isip si Congressman Pulong at nagdesisyong sumali na rin sa kompetisyon para maging Speaker ng Kamara sa gitna ng usapin sa term-sharing.

Samantala, welcome naman sa mga House speakership contenders ang pagtatatag ng Duterte Coalition.

Para kay Romualdez, kasama siya sa pana­wagan ng Hugpong ng Pagbabago at Hugpong sa Tawong Lungsod para magkaisa sa ilalim ng banner ng reform agenda na itinakda ni Pangulong Duterte.

Giit ni Romualdez, buo ang kanyang suporta sa Duterte coalition subalit dapat bigyan ng kalayaan ang mga kongresista na pumili ng kanilang lider base sa dikta ng kanilang konsensya at ng kanilang constituents.

“Let every Speakership aspirant subject himself to the scrutiny of his peers, who shall be the ultimate judge on who shall be the primus inter pares. May the best man win,” giit pa niya.

Show comments